TAUN-TAON NA lang ay problema ang dulot ng mga aksidenteng nagmumula sa mga paputok sa pagsalubong ng Bagong Taon. Bukod sa mga napuputukan sa kamay, mata, paa at iba pang mga bahagi ng katawan, kadalasang nagdudulot din ito ng sunog sa mga kabahayan. Maraming ari-arian ang natutupok ng apoy at kadalasan ay may mga buhay rin ang kinikitil nito.
Sapat nga kayang dahilan ang tradisyong ating sinusunod sa pagsalubong ng Bagong Taon sa kabila ng perhuwisyong dulot ng tradisyong pagpapaputok sa mga tao? Mayroon bang ibang alternatibong paraan ng pagsalubong sa Bagong Taon, kung saan ay napananatili ang tradisyon at sa kabilang dako ay napoproteksyunan ang mga tao sa kapahamakang dulot ng mga paputok na bahagi na ng tradisyong pagsalubong sa Bagong Taon?
Ang total ban sa mga paputok na nga siguro ang sagot sa problemang ito. May mga panukalang inilalabas sa Kongreso na nagbabawal na sa mga tao sa pagbili at paggamit ng lahat ng uri ng mga paputok. Sinasabi sa panukalang ito na tanging ang mga lokal na pamahalaan na lamang ang siyang magdaraos ng pagpapaputok sa mga piling parke o lugar, kung saan ay maaaring puntahan ng mga tao para maipagpatuloy pa rin ang pakikiisa sa tradisyon ng pagpapaputok tuwing Bagong Taon.
SA GANITONG paraan, kung hindi man tuluyang mawala ay tiyak na maibababa sa malaking porsyento ang insidente ng mga sakuna dulot ng paputok. Kung ang mga lokal na pamahalaan ang mag-oorganisa ng mga fireworks at paputok sa kani-kanilang mga parke o lugar, mare-regulate ang mga paputok. Tanging mga propesyunal lamang at mga sanay sa ganitong gawain ang siyang magsasagawa ng pagpapaputok.
Hindi na rin makapagkukubli sa maraming ingay ng mga paputok sa mga kabahayan ang mga gumagamit ng baril sa pagpapaputok sa kabila ng pagbabawal dito. Dahil may isang sentrong putukan lamang sa mga kani-kanilang barangay, madaling makikita ang mga taong nagpapaputok ng kanilang mga baril tuwing Bagong Taon. Dahil dito, maaaring maalis na ang problemang ito na nambibiktima kadalasan ng mga bata na tinatamaan ng mga ligaw na bala.
Ang mga sunog na nagmumula sa mga paputok ay mababawasan na rin. Maraming tahanan din at buhay ang maisasalba kung magiging ganito na ang paraan ng pagpapaputok sa tuwing sasapit ang Bagong Taon. Kung tutuusin, maraming benepisyo ang mahihita natin kung maipatutupad ang panukalang ito. Ang tanong ngayon, susuportahan kaya ito ng mga tao, politiko at mga mangangalakal ng paputok?
MAAARING MARAMING mga tao ang hindi susuporta rito dahil sa ito’y isang tradisyong nakagawian na natin sa mahabang panahon. May mga pasaway na patuloy na magpapaputok sa kabila ng pagbabawal na ito ng mga lokal na pamahalaan. Ang mga mangangalakal ng mga paputok man ay tiyak na aalma rin sa panukalang ito. Sasabihing apektado ang mga manggagawa ng paputok at marami sa kanila ang magugutom sa panahon ng Kapaskuhan at pagsalubong sa Bagong Taon.
Ang mga politiko na patuloy na nanliligaw sa mga taong nagigiliw sa pagpapaputok ay tiyak na hindi rin susuporta sa panukalang ito. Uunahin nila ang pagpapapogi sa mga tao kaya’t hindi sila aayon sa isang panukalang hindi popular sa mga tao. Kung ganito ang magiging reaksyon ng iba’t ibang sektor, paano uusad at maisasabatas ang panukalang ito?
Dito dapat pumasok ang sektor ng mga simbahan at edukasyon. Sila ang lubos na nakauunawa sa kung ano ang may higit na kapakinabangan at kabutihan para sa mga nakararaming tao. Sila rin ang mga institusyon na pinaniniwalaan ng maraming tao. Kung sila ang mangunguna sa panukalang ito ay tiyak na madali itong matatanggap ng maraming tao.
ANG MGA tradisyong ating kinalakihan ay mabuti para sa pagpapatingkad ng ating kultura at identidad bilang isang bansa at lahi. Ngunit dapat din tayong maging malikhain sa pagpapanatili ng mga tradisyong ito. Kasabay nito ay dapat maging bukas ang ating isip sa mga alternatibong paraan ng pagdaraos ng isang tradisyon, gaya ng pagpapaputok, upang mas mapabuti ang ating lipunan.
Ang pagbabago ng panahon ay dapat maisabay sa mga tradisyong nagpapanatili ng ating identidad. Magagawa natin na pagsabayin ang isang lumang tradisyon sa mga kahilingan ng makabagong panahon kung tayo ay magkakaisa sa isang layuning marami ang makikinabang.
Ang panukalang total ban para sa mga paputok ay may mabuting hangarin na mapabuti ang lagay ng ating mamamayan sa pagsalubong sa Bagong Taon at ito rin ay naniniwalang maaaring maipagpatuloy ang tradisyon ng pagpapaputok sa pamamagitan ng pagsasagawa ng isang isahang pagpapailaw at pagpapaputok sa pangunguna at pagsusuperbisa ng mga lokal na pamahalaan.
SANA SA lalong madaling panahon ay maisabatas ang panukalang ito upang sa darating na muling pagsalubong sa susunod na taong 2016 ay wala nang mga bata at matandang sumasalubong sa Bagong Taon na kulang ang mga daliri at naghihinagpis sa sakit dahil sa naputukan ang kanilang mga kamay. Kung maipapatupad ito sa taong 2015, tiyak na mas manigo ang bagong taong 2016!
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan sa 92.3 FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo