WALA NA sigurong mas sasakit pa para sa isang padre de pamilya ang mawalan ng asawa lalo pa kung ito ay inagaw sa kanya.
Pero mas matindi pa siguro kung matapos agawin sa kanya ang kanyang misis, siya ay pinalayas sa mismong pamamahay niya ng lalaking nang-agaw ng kanyang asawa .
Ngunit paano na kung ang padre de pamilya na naagawan ng misis ay iginagalang niya na parang isang ama ang nang-agaw ng kanyang asawa?
Ito ang kalunus-lunos na nangyari sa janitor na si Ces. Halos pagsakluban siya ng langit at lupa nang isumbong niya sa akin ang kanilang barangay chairman na si Maximino.
AYON KAY Ces, dumating ang kanyang impiyerno nang minsang magpunta sila ng misis niyang si Notaria sa barangay hall para maghain ng reklamo laban sa isang kapitbahay.
Naging maasikaso si Chairman. Katunayan, sobra-sobra ang pag-aasikaso sa kanila ni Chairman. Inakala naman ni Ces na ang pag-aasikasong iyon sa kanila ni Chairman ay dahil ang taong ito ay tapat sa kanyang tungkulin at labis ang dedikasyon sa trabaho.
Ang hindi alam ni Ces, na-love at first sight pala si Chairman sa misis niya. Animo’y may kiti-kiti raw sa puwet si Chairman at hindi mapakali habang kinakausap si Notaria.
Parang asong naglalaway si Chairman at ‘di maalis sa pagkakatitig sa kagandahan ni Notaria. Mistulang isang komiks si Chairman na madaling basahin ang kanyang mga inaasta. Sa mga sandaling iyon, ang paulit-ulit na pumapasok sa isipan ni Chairman ay “Magiging akin ka din Notaria, humanda ka!”
MABILIS NA umarangkada si Chairman ng diskarte para maisakatuparan ang kanyang kamunduhan. Hiniling niya ang cellphone number ng mag-asawa para ito ay isama raw sa blotter.
Hindi na ipinagpabukas pa ni Chairman ang pagkakataon, pagkalipas ng ilang oras, kinagabihan, nagsimula nang mag-text si Chairman kay Notaria. Simula noon, naging sunud-sunod na ang mga pagte-text ni Chairman kay Notaria hanggang sa ito ay kanyang naging ka-textmate.
Sa madaling salita, nahulog ang loob ni Notaria kay Chairman dahil sa kanyang mga boladas sa text. ‘Di kalaunan, hindi na nakukuntento si Chairman sa patext-text lang. Pinupuntahan na niya sa bahay si Notaria habang nasa trabaho si Ces at doon ginagawa nilang dalawa ang kanilang kabulastugan.
NANG HINDI na makatiis si Chairman sa patagu-tago niyang relasyon kay Notaria, minarapat na niyang prangkahin si Ces. To make the story short, isang araw, pumunta si Chairman sa bahay ni Ces at sinabihan niya itong, “Mahal ko si Notaria at akin na siya!”
At parang kulang pa ang sakit na idinulot ng kanyang mga sinabi sa kanyang kausap, sinabihan pa niya itong, “Dito na ako titira sa bahay mo at lumayas ka na rito!”
Kung ikaw ay isang janitor at ang barangay chairman na iyong dating takbuhan para pagsumbungan sa mga nang-aaway sa iyo ang mismong nang-aaway na sa iyo ngayon, ano ang iyong gagawin?
At doon na nga tumira si Chairman. Iniwan na rin niya ang sariling asawa para makasama si Notaria.
DAHIL DALI-DALI ang pagpapalayas ni Chairman kay Ces, hindi nadala ng huli ang iba niyang mga gamit, at kasama na rito ang marriage contract nila ni Notaria. Nang minsang pumunta ng kanyang bahay si Ces para kunin lang sana ang marriage contract nila ng kanyang misis upang magamit na ebidensiya para makapagdemanda, hinarang siya ni Chairman at binantaang huwag nang magpakita pang muli. Dito na nagsumbong sa akin si Ces.
Sa mga oras na isinusulat ang artikulong ito, pinaplano na ngayon ng mga pulis ng Camp Crame kung paano maaktuhan si Chairman at si Notaria na magkasama.
Shooting Range
Raffy Tulfo