NAGKAMALI ANG ating source sa nakaraang isyu tungkol sa gobernador ng Mindoro na nanggagalaiti sa isang mediaman.
Ang dapat na nailagay ay si Mindoro Occidental Gov. Josephine Ramirez Sato!
Dahil dito ay humi-hingi kami ng paumanhin kay Mindoro Oriental Gov. Alfonso Umali, Jr.
MARIIN ANG hangarin ni Bureau of Customs Commissioner Ruffy Biazon na tuldukan na ang katiwalian sa nasabing ahensya.
Alam natin, parekoy, kung gaano na katagal ang iba’t ibang uri ng katarantaduhan sa BOC. Halos alam na rin natin na talaga namang malalaki at malalim na ang kunek ng mga ugat ng mga sindikato sa loob.
Kaya nga, Herculian task na maituturing o halos suntok sa buwan ang pangarap ni Commissioner Biazon na putulin ang mga kabulukang ito.
Dahil nagpapahinga lamang sila kung “mainit” pero biglang susulpot kapag medyo umandar na naman ang “kasiyahan tuwing Biyernes”!
Gayunman, kung patuloy lamang tatanggap ng “timbre” ang pursigidong Commissioner at ipabusisi ang mga ilulutang na personalidad… makalusot man ang mga halimaw na ito ay tiyak na pahirapan muna!
Sa mga ilalantad ko ngayon at sa mga darating pang isyu, magkakaroon ka na po Commissioner Biazon ng kaunting ideya kung sino talaga ang sino d’yan sa Bureau of Customs!
Unahin natin ang tinaguriang plastic queen.
Si Tina Yu, ayon sa ating tawiwit, ay regular na nagpapasok sa bansa ng bakal at resins at mga sangkap sa paggawa ng plastic. At kahit ang kanyang “import permit” ay para lang sa “transhipment sa Subic Freeport”, pero nagagamit niya ito para mailusot hanggang sa Port of Manila ang kanyang mga “parating” mula sa China, Vietnam at paminsan-minsan ay Singapore.
Tumataginting po Commissioner Biazon na P300,000.00 bawat container ang kanyang hatag! At sino nga namang appraiser at examiner ang hindi matataranta! Hak, hak, hak!
Siyanga pala, parekoy, itong si plastic queen ay super-lakas noong panahon ni lola Gloria! (May karugtong)
LIYAD ANG dibdib, taas-noo at abot-tenga ang ngiti ni Department of Tourism Sec. Ramon Jimenez, Jr. sa pormal na paglulunsad noong isang araw, sa bagong “slogan” ng DOT upang makahikayat ng maraming turista.
“It’s more fun in the Philippines!”
Kaagad naman itong dinumog ng iba’t ibang reaction.
Sa ganang atin, okey na lang sana ito kahit sabihin pang mas “convincing” pa rin ‘ika nga ‘yung ‘Wow Philippines’ na kanilang pinalitan sa dahilan lamang na ang ‘Wow Philippines’ ay ideya ng nakaraang administrasyon.
Ang siste, parekoy, biglang tumambad ang nagdudumilat na katotohanan na ang nasabing “slogan” ay kinopya lang pala!
Kagaya rin pala nang ginastusan noong nakaraang taon pero biglang naibasura na Pilipinas Kay Ganda, dahil napag-alaman na ang mga font nito ay kinopya lang pala sa bansang Poland.
At alam n’yo ba, parekoy, na ito palang “It’s more fun in the Philippines” ay kinopya rin lang pala mula sa bansang Switzerland?
Noong 1951, parekoy, ito rin pala ang “tourism slogan” ng nasabing bansa na “It’s more fun in Switzerland”.
Letseng buhay ito, oo. Ang masakit, parekoy, mahigit limang milyong piso ang ibinayad ng pamahalaan sa isang advertising agency na nag-disenyo nitong bagong slogan.
Tangna naman, kokopyahin lang pala natin ang pinaglumaan ng ibang bansa, ginastusan pa natin ng napakalaki!
P’we!
Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303