Tradisyon: Paniniwala, Kultura at Pananampalataya sa Pistang Nazareno

MADALING-ARAW PA LANG, gising na ako para maaga pa lang ay nasa Quiapo Church na ako para sa pamosong Pista ng Nazareno. At nagmatiyag na ang aking mga mata kasama ng aking kamera. Para akong isang matang-lawin na bawat madaanan ay binubusisi upang kunan ng isang photograpiya at maikling kuwento na kahit ito ay putul-putol. Ngunit sa kabuuan, isa na itong kuwento tungkol sa Pista ng Poong Nazareno.

Simula pa lamang, tila nagkaroon na ako ng isang kakaibang pakiramdam. Tama bang sabihin kong tila nasa impluwensiya ako ng isang selebrasyon ng kabanalan? Para akong batang sabik upang matunghayan ang mga kapana-panabik na pangyayari sa pali-paligid. Kaya lang, tiningnan ko muna kung kasya ang baon kong pera sa naglilipanang imahe sa T-shirt, sa panyo at iba’t ibang mga bagay na may kinalaman sa Pistang Nazareno. Naging gala ang aking mga paa at ang aking kamera sa bawat anggulo ng mga pangyayari. At sa bawat eksena nito, isang mahalagang papel sa bawat mga deboto.

Sa aking maikling paniniwala, dapat ay igalang sila sa kanilang iba’t ibang anyo ng paniniwala dahil isa itong banal na ritwal ng pag-ibig sa Diyos. Dahil kahit mukha mang nakakatawa ‘yung iba, maaari kang mapailing-iling sa mga ‘reaction’ ng paniniwala, iisa lang ang masasabi ko: Sila ang mga Pinoy sa masining nitong tradisyon at kultura, sa paniniwala at pananampalataya. May nagtitinda, nanghuhula at hi-tech na paraan ng pagpapahayag ng mga Kaparian (league of Priest) ng sagradong Misa na makikita sa LED screen wall sa ilang bahagi ng simbahan ng Quiapo.

Oo nga naman, iba na ang panahon ngayon. Pero iisa lang ang hindi natin mababago, ang tumataas na bilang ng ‘population of devotees’. Tila isa itong dagat ng mga taong mananampalataya sa isang agos ng pagnanasang makalapit sa Poong Nazareno na pinaniniwalaang milagroso simula nang maitatag ang paniniwalang ito. Ako ma’y maaa-ring hindi basta maniwala ngunit tila mangingilabot ka sa tila dagat ng tao sa simpleng paniniwala. Simpleng pananaw, simpleng pananampalataya at simpleng kahilingan na sana’y maambunan sila ng kagalingan at katuparan ng mga pangarap.

Dahil dito, iginagalang ko ang pananampalatayang ito, na maging ang mga dating mga siga, mandurukot, holdaper at iba’t ibang karakter, nasumpungan nilang naka-paa sila’t naglalakad at nakikihila sa mahabang pisi ng panampalatayang Katolisismo.

Naniniwala akong mas maraming biyaya ng Diyos sa araw ng Pista ng Poong Nazareno lalo’t nakita ko habang may misa na lumapag ang isang puting kalapati sa bubungan ng simbahan habang pumapatak ang ulan. Marahil ito ay isang ritwal ng langit para sa mga mananampalatayang nais magkaroon ng pagbabago ang kanilang buhay at kalusugan.

Ayon sa Bibliya, Juan 1:32-33 “Ganito ang patotoo ni Juan: Nakita ko ang Espiritu na bumababa na parang isang kalapati na buhat sa langit at nanatili sa kanya. 33 Hindi ko nga siya kilala noon. Ngunit ang nagsugo sa akin upang magbautismo sa tubig ang siya ring nagsabi sa akin, Ang sinumang makikita mong bababaan at pananatilihan ng Espiritu, siya ang magbabautismo ng Espiritu Santo sa inyo.”

Sa akin ang buhay ay isang nobela’t palabas na natatapos na may kanya-kanyang kuwentong makulay. Mahihirap man o mayayaman, ang lahat ay kalahok sa laro ng paglalakbay sa mundong ibabaw. At tila isang pelikula na may iisang direktor, ang ating Mabuting Diyos. Subukin din ninyo ang maniwala’t baka ‘sang araw may milagrong nakalaan sa isip, puso’t kaluluwa, buong pagkatao at sa personal na relasyon natin sa Diyos.

Ito ang larawan sa canvas ni Maestro Orobia.

Ito ang Larawan sa Canvas ni Maestro Orobia.

For comments and suggestions, e-mail: orobiakpp[at]yahoo.com and/ or maestrorobiaparazzi[at]yahoo.com.

ni Master Orobia

Previous articleDalaga na si Sabel
Next articleWhat’s Next for Glaiza de Castro?

No posts to display