SOSORPRESAHIN SANA NAMIN ng dalaw si Chokoleit sa St. Peter Chapel sa Davao City nu’ng April 10, ngunit kami ang nasorpresa. Nakaalis na raw si Chokoleit patungong Micro Hotel para magpahinga.
“One hour na po siyang nakakaalis,” sabi ng younger brother ni Jonathan Garcia (tunay na pangalan ni Chokoleit). “Magpapahinga muna po.”
Before 12 midnight kami dumating doon at ang una naming napansin ay nakasara ang casket ng mommy ni Chokoleit, si Gng. Erlinda Tabanag, 67, namatay sa sunog na tumupok sa kanilang bahay sa Coca-Cola Village sa Matina, Davao City.
Una muna kaming nagtungo sa Matina, pero sabi ng mga kapitbahay, nasa St. Peter na raw. Itinuro sa amin ang bahay at juice ko po, natupok nga ang buong bahay nina Chokoleit, kaya pansamantalang sa hotel muna sila nanunuluyan.
Bakit nga ba nakasara ang kabaong? “Ah, kasi po, sunog na sunog po si Mama, eh. Kung bubuksan po ang kabaong, baka sumingaw po. Saka naiwan po ‘yung kamay at paa niya sa sunog, hinahanap pa, kaya isasamang ibabalot ‘yun sa loob ng kabaong.”
Nasa second floor ang mommy ni Chokoleit nu’ng mangyari ang insidente. Umalis ang mga kapatid at pamangkin, dahil magsu-swimming. “Niyaya pa nga po siyang mag-swim, kaso ayaw niya. Du’n na lang daw siya sa house.”
Kaya naman ang kuwarto nito sa second floor, naka-lock at hindi agad nabuksan nu’ng humihingi na ito ng saklolo at tuluyan nang naigupo ng suffocation, kaya nasunog pati ang katawan.
“Si Mama po kasi, makakalimutin. ‘Pag nagluluto ‘yan, haharap sa TV, aakyat sa kuwarto o kaya maglalaro ng PSP. Naaalala lang niyang may niluluto siya o ipiniprito, ‘pag naaamoy na niyang may nasusunog.
“One time talaga, nag-iinit lang siya ng tubig, wala nang laman, natuyo na ‘yung pinapakuluan niya. O, kaya ‘yung prito niya, sunog na. Nire-remind pa siya ng anak niya na, ‘Ma, nakalimutan mo na naman ang niluluto mo.'”
Nasa kanyang bakasyon sa Boracay si Chokoleit nang makarating sa kanya ang balita nu’ng April 9 ng 2pm. “Wala naman akong magawa, Ogs, kasi, andito naman ako. Kaya bukas, lipad na ‘ko ng Manila, tapos, Manila to Davao na.”
Ikinuwento pa ni Chokoleit na, “Three days ago, nag-text pa kami niyan. Alam mo ‘yung mag-inang nagpapatalbugan sa punchline? Ganyan kami ng nanay ko. Number one fan ko ‘yan, eh!”
Si Chokoleit ay panganay ni Mrs. Erlinda sa unang asawa. Nag-asawa muli ito at naging Tabanag at meron siyang tatlong kapatid sa ina.
“Settled na naman kaming apat, Ogs, ‘yan naman ang laging sinasabi ng nanay ko. Okay naman kaming magkakapatid na, kaya siguro, hinintay niya lang ‘yon at nagpaalam na siya. Kaso nga lang, very tragic.
“Pero with friends like you na nagbibigay sa akin ng lakas ng loob, eh, kaya ko ‘to!”
Kung hindi nabago ang plano, kahapon, Sunday, ang cremation sa mga labi ng nanay ni Chokoleit. “Si Kuya po, Sunday ang uwi, kasi, me work pa siya. Bale dadalhin na lang namin sa kanya ang urn ni nanay,” sey pa sa amin ng younger brother ni Chok.
Oh My G!
by Ogie Diaz