Ang pelikulang Kim Ji-Young: Born 1982 ay hango sa nobelang sinulat ni Cho Nam-Joo na mayroon ding parehong pamagat. Lagpas 1 milyong kopya ng nobela na ang nabenta simula nang una itong ma-publish noong 2016.
Kaya naman ang nobelang Kim Ji-Young: Born 1982 ang unang million-selling Korean novel pagkatapos ng Please Look After Mom ni Shin Kyung-Sook noong 2009. Isasalin at ipa-publish ang nobela sa 16 pang bansa kasama ang Britain, France, Spain at Italy.
Ang Kim Ji-Young: Born 1982 ay ang ikatlong pelikulang pinagsamahan ni Jung Yu-Mi at Gong Yoo. Una silang nagsama sa pelikulang Silenced noong 2011, at sumunod naman ay sa zombie apocalypse movie na Train To Busan noong 2016. Ito din ang unang feature film ng direktor na si Kim Do-Young, at ayon sa kanya, malaki ang pressure sa kanya kung magagawa niya ang pelikula habang pinapanatili ang halaga ng orihinal na nobela.
Para sa kanya, ang Kim Ji-Young: Born 1982 ay isang kwentong kailangan at dapat malaman ng mga tao.
Ipapakita ng Kim Ji-Young: Born 1982
na ang paghihirap ng isang asawa, ay paghihirap din ng kabiyak nito. Ang anumang unos ay dapat harapin nang magkasama, kahit ito ay taliwas sa nakaugalian ng lipunan.
Base sa synopsis ng pelikula, si Kim Ji-Young ay isang ordinaryong Koreana na nasa kanyang 30s na madalas ay stressed sa pagiging isang full-time mom at housewife. Kahit madami siyang sinuko para pakasalan ang lalaking mahal niya, at kahit mahirap magpalaki ng anak na babae, naniniwala si Ji-Young na kuntento na siya sa kanyang buhay.
Ngunit napapansin ng kanyang asawa na si Dae-Hyeon na mas nahihirapan si Ji-Young sa kanyang buhay higit pa sa kanyang inaakala. Sa kanyang pag-aalala, lumapit sa isang psychiatrist si Dae-Hyeon at sinabing, “Nagiging ibang tao ang asawa ko.”
Ito ay dahil napapansin ni Dae-Hyeon na bigla na lang nagsasalita si Ji-Young na parang iba’t ibang tao — ang kanyang ina, ang matalik niyang kaibigan na namatay habang nanganganak, at ang kanyang yumaong lola.
Kasalukuyan nang ipinapalabas sa mga piling sinehan ang Kim Ji-Young: Born 1982. Hatid ito ng VIVA International Pictures at MVP Entertainment.