Trapo si P-Noy!

KAMAKAILAN, NAKITA sa mga television report ang pagpunta ni Pangulong Noynoy sa Compostela Valley sa Davao Oriental para makiramay umano sa mga nasa-lanta ng bagyong si Pablo. Makikita sa nasabing video ang pagbibigay niya ng tig-iisang supot na naglalaman ng relief goods sa bawat nakapilang mga residente roon.

Sa biglang tingin, para sa mga ordinaryong mamamayan, ka-hanga-hanga ang ginawang ito ng Pangulo. Pero kung tutuusin, ito ay maituturing na isang photo opportunity na ginagawa ng lahat ng trapo (traditional politician) upang ipakita na sila’y hindi lamang may pagmamalasakit sa tao kundi ay nagtatrabaho rin.

Ang personal na pamamahagi ng supot-supot na relief goods sa mga biktima ng trahedya ay hindi ginagawa ng mga pinuno ng ibang bansa. Dito lamang ito nangyayari sa Pilipinas.

Noong August 2005, halimbawa, nang maminsala si Hurricane Katrina sa New Orleans, Louisiana ,USA na halos katumbas sa ginawa ni Pablo, bumisita ang noo’y presidente ng Amerika na si George W. Bush sa nasabing lugar pero walang bidyong makikitang nagbibigay siya ng supot-supot na relief goods sa mga biktima.

Pero makikita sa mga video na nakikipagpulong si Bush sa mga matataas na opisyal ng lokal at nasyonal na pamahalaan doon para iutos ang agarang pagbigay ng karampatang tulong sa lahat ng apektado ng trahedya. Ang pagbigay ng supot-supot na relief goods na makikita sa video ay ipinaubaya na ni Bush sa mga local community leaders roon.

ANG MASAKLAP pa sa ginawang pagbisita ni P-Noy sa Compostela Valley ay napakaraming mga residente roon ang imbes na matuwa ay nagalit, sapagkat hindi sila na-bigyan ng relief goods na ipinamamahagi ng Pangulo.

Marami sa kanila, nang mabalitaan na andoon si P-Noy ay lumuwas pa mula sa malalayong sulok ng Compostela Valley sa akalang mabibigyan din sila. Pero matapos makapaglakad ng ilang oras at marating ang “distribution venue” ni P-Noy, ubos na ang ipinamimigay na relief goods at wala na rin doon ang Pangulo.

Hindi sinabi sa report kung ilang sakong bigas o ilang kartong mga delatang pagkain, noodles, bottled water, etc. ang dala ng Pangulo nang siya’y magpunta sa Compostela Valley. Pero ang nakatitiyak tayo, ito ay kakarampot at sapat lamang para sa itatagal ng photo opportunity ng presidential entourage habang sila’y naroroon.

Sa halip na matuwa sa kanya ang mga taga-roon, napikon pa tuloy ang mga ito dahil tulad ng kanyang mga predecessor, naging isang tunay siyang trapo. Naging makitid na rin ang kanyang pananaw sa tunay na sitwasyon.

SA REPORT ng kapatid kong si Erwin Tulfo sa programang T3 sa TV5 noong Lunes, makikita ang dose-dosenang tao sa Compostela Valley na mga biktima ng bagyong Pablo na nakapila sa highway at namamalimos na ng pagkain.

Ilan pa nga sa kanila ang nakapagsabi pang labis na silang nagugutom at pinangangambahan nilang kapag wala nang makain ay baka magkaroon ng kaguluhan sa kanilang lugar, sapagkat magaganap ang malawakang nakawan na maaaring hahantong din sa riot.

At tulad ng ginawa ni P-Noy, umeksena naman ang isa niyang alipores para sa isang media photo opportunity na si DSWD Dinky Soliman na napapaiyak. Ayon sa napapaiyak na si Soliman, naaawa raw kasi siya sa mga biktima.

Ang ‘di alam ni P-Noy at ni Soliman, hindi kailangan ng mga biktima ang pang-isang araw na supot na relief goods at iyak, kundi ang mabilisan, malawakan at pangmatagalang tulong.

Ang T3 Reload ay napanonood sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 5:30-6:00pm.

Shooting Range
Raffy Tulfo

Previous articleBless the Beasts
Next articleKris Aquino, nagparaya sa billing ng movie nila nina Vice Ganda at Ai-Ai delas Alas

No posts to display