LUMAPIT AKO sa isang travel agency sa Ortigas para magpatulong sa pag-aaply para sa tourist visa sa Canada. Hiningan nila ako ng picture, NBI clearance at birth certificate. Nagbayad ako ng P2,500.00 at P30,000.00 na processing fee. Nang tanungin ko sila kung posible akong magtrabaho roon, sinabi nila na kapag nandoon na ako ay bahala na raw akong maghanap ng employer kung gusto ko. Makaraan ang tatlong linggo, ibinalita nila sa akin na denied ang application ko. Nang hingin ko ang aking refund, ayaw na nilang ibalik ang pera ko. Puwede ko po ba silang kasuhan ng illegal recruitment? – Nayda ng Davao City
HINDI KO alam kung ano ang usapan n’yo tungkol sa perang ibinayad mo at kung may karapatan ka sa refund.
Pero tungkol sa plano mong pagsasampa ng kaso ng illegal recruitment, baka hindi ka manalo sa kasuhan. Para makasuhan ng illegal recruitment, ang isang tao o ahensiya ay dapat nangako o nagbigay ng impresyon na siya ay nagre-recruit o makakakuha ng employer sa abroad. Lalo na kung ito ay naningil ng recruitment fee.
Batay sa ikinuwento mo, hindi naman nangako ang ahensiya na ihahanap ka ng trabaho o employer. Iniwan sa iyo ang paghahanap ng trabaho. Wala siyang kaso ng illegal recruitment.
LIBRENG PAYO! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO! PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users). E-mail: [email protected].
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo