ANO KAYA ang mangyayari kapag walang musika? Maaaring mababaliw tayo sa katahimikan o ‘di kaya magiging boring ang lahat. Pero ang panigurado riyan, kapag walang musika, walang buhay.
Ayon nga sa isang sikat na philosopher na si Friedrich Nietzche, kapag walang musika, ang buhay ay magiging sadyang kamalian. Kaya naman hindi na nakapagtataka na lahat na lang ng kagamitan na may kinalaman sa musika, mapa-hardware man o software, ay patok sa mga kabataan. Maging noon pa man, atin na ring naabutan ang Walkman. Pumatok sa atin ‘yan. Hanggang sa napalitan ito ng mp3 at naging iPod. Hanggang sa ang mga kanta sa ating iPod ay puwede nang mapakinggan sa ating mobile phones.
Nagkaroon na rin ng YouTube kung saan pati music videos ng mga paborito nating kanta ay napapanood na at puwede na ring mai-download diretso sa ating smartphones, laptops o computers. Umusbong din ang SoundCloud kung saan nagiging recording artist ang mga tao na hindi nabibigyan ng break sa big screen o sa stage. Dito rin umusbong ang isang komunidad na gumagawa ng covers na nagiging sikat at nagkakaroon ng kanilang sariling fans. At ngayon ang panibagong kinababaliwan ng mga kabataan ngayon, ang Spotify.
Ang Spotify ay isang commercial-music streaming service kung saan mayroon silang ino-offer na pagkarami-raming kanta na puwedeng pagpilian para mapakinggan. Lahat ng genre mayroon ang Spotify. Kabilang sa mga ito ay R & B, Pop, Pop Ballad, Pop Culture, Metallic Roc, Electronic Dance Music, Acoustic, Senti, Classical, Party, Mood at maraming-marami pa. Maging albums ng mga sikat na artists, local man o international. Maging indie pa nga mayroon din. Mayroon pa nga sila kahit mga kantang sumikat noong-noon pa. Gumagawa rin sila ng mga iba’t ibang klase na playlist. Napakarami nito kaya imposibleng wala kang magugustuhan kahit isa sa playlists na iyon.
Ang Spotify ay mayroong digital rights management-restricted content mula sa mga record label gaya ng Sony, EMI, Warner Music Group at Universal kaya ganito na lang ang laki ng database ng mga kanta na mayroon sila. Makasisiguro rin tayo na legal ito at pasok ang quality ng mga kanta na nais pakinggan.
Nai-launch ang Spotify noon pang taong 2008 ng Swedish startup Spotify AB. Pero nito lang taong 2012 ito naging sikat nang husto. Marahil ito ay sa kadahilanan na ang taong 2012 ay panahon ng pag-usbong ng smartphones. Kaya kasabay ng pag-asenso ng teknolohiya sa bansa ay ang pagkakaroon ng Spotify ng milyun-milyong users. Akalain n’yo ba na mula sa sampung milyong users na mayroon ang Spotify noong Setyembre ng taong 2010, dumoble pa ito sa dalawampung milyon noong Disyembre ng 2012.
Simpleng-simple rin ang mga hakbang para sa paggamit ng Spotify. Kinakailangan mo lang naman ng smartphone at internet na sigurado naman ako na mayroon na kayo. Tinatanong pa ba ‘yan? Available naman ang Spotify sa Android, Blackberry, Boxee, iOS, Linux, Meego, Windows Phone at maraming-marami pang iba. Kapag na-download mo naman na ang Spotify, magiging madali na ang lahat para sa iyo dahil sa mga user-friendly na interface nito.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo