SA MUNDO ng Facebook, hindi na sapat ang basta-basta pagla-like na lang ng pictures, pag-post sa wall, pag-mention sa comments, pag-chat sa kaibigan at pag-stalk sa crush. Kung hanggang ngayon, ganyan lang ang ginagawa mo sa Facebook account mo, hindi kataka-taka kung masasabihan kang boring ng ibang tao. Baka nga i-suggest pa niya sa iyo na mag-deactivate ka na lang. Bakit ko nga ba nasasabi ito? Dahil ngayon na lagpas isang dekada na ang Facebook, marami nang nauso rito na talaga namang kinaadikan ng kabataan kahit maging ang mga feeling bagets.
Naalala n’yo ba nang nauso ang Pet Society? Halos lahat yata sa mga nakare-relate, nami-miss na siguro ang kanilang virtual pets na talaga namang inaalagaan pa nila. Nariyan din ang Farmville, malamang sa malamang, pinaglaanan n’yo ng oras para palaguin ang inyong farm, ‘di ba? Naging uso rin ang Friends For Sale kung saan nagpapataasan kayo ng halaga ng Facebook friends mo. Ito rin ang pasimpleng pagda-moves sa inyong mga crush dahil lagi n’yo silang binibili para inyong maangkin. Minsan na ring naging adhikain n’yo sa buhay na hindi man maging kayo sa tunay na buhay, at least kahit sa Facebook lang, napasayo pa rin siya. Siyempre, hindi rin mawawala ang phenomenal na Plants vs Zombies, Candy Crush at Clash of Clans na hanggang ngayon pa naman, aktibo pa rin sa mundo ng Facebook.
Pero alam n’yo ba na may mga dumagdag na sa listahan? Unahin natin ang worldwide trending ngayon, ang hashtag Make Up Transformation. Ito ‘yung step by step na paglalagay ng make-up hanggang sa maging instant celebrity! Paano nangyari ‘yun? Simple lang. Ginagawa na nga ito ng halos lahat ng tao: ang mga netizen, lalo na ng mga bagets, maging mga local at international artists, nakikiuso na rin. Kinakailangan mo lang ang props na gaya ng make-up brush, pulbo, eyeliner o kung anu-ano pa na swak sa trip mo. Mag-selfie ka lang nang gamit ang mga ito na para bang nagme-make up ka. Sa unang selfie, puwede mong ilagay ang larawan na naghahanda ka pa lang, sa pangalawa, puwede mong maipakita na may nilagay kang pulbo sa mukha mo habang may hawak na brush, pangatlo, ang larawang kalalagay mo lang ng lipstick, at sa pang-apat, ang celebrity na iyong ginagaya na gusto mong maging kamukha! Ang apat na selfies ay iyong ilalapat lang sa isang collage-ready na may apat na squares. At pagkatapos niyan, upload na agad-agad!
Naging usap-usapan ito sa mundo ng social media dahil nakaaaliw nga naman ang mga #makeuptransformation na nagkalat sa newsfeed ng bawat isa. Mayroong posts na mamamangha ka dahil kamukhang-kamukha talaga ng mga netizen ang kanilang ginagaya. Mayroong posts din na matutuwa ka dahil may mga artista na iyong hinahangaan na nakikigaya na rin. At siyempre may mga posts din na matatawa ka dahil sa sobrang trying hard ng ibang mga tao na gayahin ang kanilang iniidolo.
Kung pinaplano mong makiuso, sige lang, walang pumipigil sa iyo basta siguraduhin mo lang na hindi below the belt at nakasasakit sa iba ang gagawin mo. At dapat maging handa ka rin sa mga comment na ibibigay ng iba. Bawal ang pikon!
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo