ALAM MO ba ‘yung pakiramdam na gusto mong umalis, pero tinatamad ka? Gusto mong gumala, pero nabo-bored ka? Gusto mong magliwaliw kasama ang barkada, pero dahil sawa ka na sa lagi n’yong pinupuntahan o ginagawa, mas minamabuti mong hindi na lang umalis ng bahay at magkulong na lamang sa kuwarto mo? Aba, senyales ‘yan na buryong na buryong ka na sa paulit-ulit na nagaganap sa buhay mo.
O sabihin na natin na hindi ka na nasisiyahan sa mga paulit-ulit na bonding moments kasama ang barkada. Sa bagay, kung minsan, magkikita-kita kayo, tambay sa dating lugar, magtsi-tsismisan tapos kakain. Kung minsan din naman, manonood ng sine, tapos kakain ulit. Kung minsan din pupunta sa magagandang mall kahit malalayo pa ‘yan, tapos kakain din. Kung minsan magkakayayaan lang sa isang meeting place, tapos kakain na naman. Naku po, nakasasawa na nga, nakatataba pa.
Paano na ‘yan? Likas na sa ating mga Pinoy ang pagkahilig sa pagkain. Pero kung ‘yun at ‘yun lang ang bonding moments natin kasama ang barkada, nakasasawa nga ito. Kung tutuusin, lahat na ay nag-i-innovate kaya dapat pati mga ganap ng bagets, lume-level up na rin. Kaya naman saktong-sakto itong sinulat ko para sa inyo.
Narito ang mga restaurants na may kakaibang pakulo na tiyak namang mae-enjoy ng bawat bagets sa bansa! Anu-ano nga ba ito?
- Barkin’ Blends
Para sa mga dog lover, ang Barkin’ Blends ay swak na swak sa inyo! Makasasabay mo lang naman sa pagkain ang mga cute na aso. Iba’t ibang breed pa ito! Sa halagang P180 lang, makapapasok na kayo sa Barkin’ Blends, may kasamang drinks na ito at makapaglalaro ka pa sa labing isang mga aso. Magandang deal na ito, ‘di ba? Kahit naman hindi ka dog lover, puwedeng-puwede mo pa ring i-try ito. Malay mo, ‘pag nasubukan mo na, babalik-balikan mo na ang Barkin’ Blends bitbit ang buong barkada.
- Caffera
Para naman sa mahihilig sa photography, huwag n’yong palagpasin ang pagkakataon na hindi makapunta at maranasan ang Caffera fever! Para rin pala ito sa mga coffee lovers. Kumbaga photography + coffee in one. Mamangha sa paggamit nila ng camera lenses bilang baso ng mga drinks. At mamangha rin sa paggamit nila ng pixels bilang panukat ng coffee content ng drinks ninyo. Kahit maliit lang ang nasabing coffee shop, punung-puno naman ito ng mga photography-related items.
- Chemistea
Para naman sa mga mad science lovers at mga science geeks diyan gaya ni Dexter ng Dexter Laboratory, magtungo na sa Chemistea. Specialty nila ang mga drinks gaya ng tea na kanilang sine-serve gamit ang flasks. O ‘di ba, in character na in character talaga ang science feels sa Chemistea. May mga board games din sila na puwede n’yong laruin habang may mga science geek sa tea shop na siyang nagpapaliwanag sa mga science sa likod ng mga board games.
- Heroes Concept Store
Para naman sa mga fan na fan diyan ng superheroes na ating nakalakihan, swak na swak sa inyo ang Heroes Concept Store. Mabusog sa mga ihahanda nilang grilled wings na kanilang specialty habang nabubusog din ang inyong mga mata sa mga miniature at life size items ng mga iniidolo niyong superheroes gaya ng mga nasa DC at Marvel movies.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo