PINAG-UUSAPAN ngayon sa social ang thri-athlete na si Clifford Pusing dahil sa Pinoy BL series na Sakristan na isinulat at idinidirek ni Darryl Yap at napapanood sa Vincentiments Youtube Channel.
Bida si Clifford sa Sakristan kasama si Henry Villanueva. Kinontrata na rin ng Viva ang dalawa para maging exclusive artists nila.
Aminado si Clifford who is only 16 years old na bago siya nabigyan ng break sa Sakristan ay nagsimula siyang paekstra-esktra lang sa pelikula at sumusubok ding mag-audition sa teleserye. Isinasabay niya ito sa training niya bilang triathlon athlete.
Wala pang sey si Clifford pagdating sa decision making kasi nga minor pa siya kaya ang tatay nitong si Michael Pusing ang unang kinausap ni Direk Darryl para sa project.
“Nung nabasa naman po ng dad ko ang buong story ng Sakristan, eh, pumayag naman po siya. Wala nman po kasi siyang nakitang hindi maganda at talagang sinuportahan po niya ako. Parehas ng pagsuporta niya sa akin sa sports ko,” kuwento ni Clifford.
Hindi rin daw siya nagdalawang isip na tanggapin ang role bilang si Zach na mai-in love kay Christian (Henry).
“Hindi nman po ako nagdalawang isip na tanggapin itong project kasi gusto ko rin po ito, pero siyempre po, dad ko pa rin po ang masusunod kung papayag po siya. Yung mga coach ko naman po, very supportive din po sila sa akin,” komento pa niya.
Eh, ano naman ang naging reaksyon ng family niya, mga kaibigan at sports fans na tinanggap niya ang Sakristan?
Sagot niya, “Halo-halo po ang reaksyon nila — masaya, may na-shock. Yung mga cousins ko natuwa naman sila at si Papa naman naman sobrang proud. Yung mga friends at fans ko naman po, sobra supportive po nila.”
When asked sa reaksyon niya na parang nagkaroon siya ng “instant fame” dahil sa Sakristan, ani Clifford, “Halo-halo din po ang reaksyon ko. He-he-he.
“Masaya po ako kasi matagal ko na rin po talagang gusto yung ganito, yung umarte. Twelve years old pa lang ako nung magkaroon ako ng unang tv commercial ko po sa isang chocolate energy drink (Milo). Then, may small stage play din po akong nilabasan. Tapos yun nga, minsan po pa- extra-extra sa mga pelikula.
“Di ko po talaga inasahan na magiging ganito po ako ngayon. Parang panaginip po. He-he-he. May time din po na kinakabahan ako kasi baka di po nila magustuhan ang pag-acting ko kasi po first time ko po na umarte sa ganitong klase ng role,” pahayag pa niya.
Naipalabas na ang first episode ng Sakristan titled Touch-Move two weeks ago at meron na itong more than 500K views. Ipinalabas naman ang second episode ng mini-series nitong June 7 titled Bangkok and as expected trending ito sa Youtube at Twitter.