NAPAKAGANDA NG naging tugon ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III para maproteksiyonan ang interes ng local hog at poultry industries.
Ito’y matapos maglabas si Pangulong Aquino ng P190 milyong subsidiya sa mga hog at poultry growers, isang patunay na hindi siya nagpapabaya sa kapakanan ng mga ito.
Noong una, ang akala ng mga opisyal ng Swine Development Council at United Broiler Raisers Association ay hindi ito seseryosohin ni P-Noy.
Pero nang ilabas na nga ang nasabing pondo para gamitin sa pagpapagawa ng dalawang “Triple A” na slaughter house sa Batangas at Bulacan, lubos silang nagpapasalamat at pumupuri sa ating Pangulo. ‘Ika nga, pumapalakpak ang kanilang mga kamay, kasama pa ang dalawang paa. He, he, he!
Bukod sa P190 million na pampagawa ng high-tech na slaughter house, may P10 million din na inilabas sa pagpapagawa ng dressing plant sa Tarlac. Wowowee!
Ayos ‘yan, Mr. President!
Nabatid kay Agriculture Sec. Proceso Alcala, ang Triple A slaughter house sa Batangas at Bulacan at ang high-tech dressing plant sa Tarlac ang magiging sagot sa reklamo ng hog at poultry raisers laban sa anila’y pagbaha sa bansa ng imported meat.
Ang nasabing mga slaughter house ay lalagyan ng upgraded technology na cutting floors at cold storage ‘pagkat nalaman ni Sec. Alcala na ang kawalan ng ganitong katayan ang ginagawang dahilan ng ilang negosyante na mag-importa ng mga produktong karne mula sa ibang bansa.
Isa pang patunay, parekoy, na talagang seryoso si Pangulong Aquino na lutasin ang problema sa meat importation, iniutos niya sa Department of Agriculture na pigilan ang pagbaha ng imported meat sa wet markets.
Tanging mga legitimate importers na lamang ang may karapatang mag-importa ng dayuhang karne kung kaya ang DA, sa pakikipagtulungan ng Bureau of Customs (BOC) ay nagsisimula nang “purgahin” ang listahan ng importers para masala ang mga gumagawa ng iligal.
Pero ano pa man, ang BOC ay hindi naman nagpapabaya laban sa smuggling partikular na sa meat/agri-product importation, taliwas sa akusasyon na isang malaking pagkakamali sapagkat ginagawa ng ahensiya ang lahat. ‘Ika nga e, 24/7 ang pagbabantay laban sa pork importation kahit na secondary role lamang ang Aduana rito.
Inutil ba iyong halos araw-araw o linggu-linggong may mga nakukum-piskang smuggled o undeclared goods ang BOC?
Inutil ba ‘yong paniningil nila ng tamang buwis sa mga pumapasok na iba’t ibang produkto mula sa iba’t ibang bansa? Tsk, tsk, tsk!
Kung magtutuluy-tuloy ang suporta ng gobyerno sa pamamagitan ng pagpopondo at mahigpit na kampanya laban sa sinasabing pork smuggling, heto na ang masasayang araw para sa swine at poultry industry sa bansa.
Ayon sa ating source, ang nasabing hakbang ay bilang pagtiyak ng Pangulo para mabantayan at mapalakas ang food security ng bansa.
Makinig sa ALARMA Kinse Trenta sa DZME 1530kHz, 6-7 a.m., Lunes-Biyernes. May live streaming sa www.dzme1530.com. Ipaabot ang anumang reaksiyon sa [email protected]; CP no. 09098992775/ 09166951891.
Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303