MAITATALANG PANGATLONG malawakan at malubhang pagbaha na kagagawan ng masalantang pag-ulan sa ating bansa mula pa ng bagyong Ondoy ng 2009. Marami ang kababayan natin ang biktima, nawalan ng tahanan at ng mga ari-arian.
Dahil sa kakatapos pa lamang ng bagyong “Maring” na sinamahan pa ng habagat na nagdulot sa atin ng malaking pinsala, isang reyalidad na asahan na natin ang taunang pagbaha, kaya naman matututo na sana tayo kung papano maisalba ang ating mga ari-arian at mas higit ang ating buhay.
Wala ngang kinikilala ang ganitong mga sakuna lahat tayo ay biktima nito. Ngunit higit ang mga pamilyang nagdarahop sa buhay. Dahil dito marami ang nagtatanong: ano ang mga ginagawa ng ating mga nakaraan at kasalukuyang pamahalaan sa ganitong mga pangyayari sa ating bansa?
Sa bagay, ang sakunang ito ay walang pinatatawad kahit sa ibang bansa nangyayari ito. Kaya lamang, iba na ang handa at pinaghahadaan ang mga sakunang ganito. Sa oras de peligro, maaaring kaunti o mabawasan ang problemang nangyayari.
PINAGPIPIYESTAHAN NGAYON ng media ang napabalitang nagtatago diumano na si Janet Napoles na sangkot sa pork barell scam. Kasalukuyang tinutugis siya ng mga awtoridad. Bukod pa rito, nadiskubre sa Instagram na tila ay may maluhong pamumuhay ang anak nitong si Jeane at kapatid na si Reynald Lim na itinuturing ding nasasangkot sa issue.
Marami ang nagkokomentong netizens sa kanilang personal blogs, facebook at twitter. Marami pa ang mga pinagsusupetsahang sangkot sa scam na ito, maging mga senador, kongresista at mga indibidwal na nakapangalan sa mga foundations na lumalabas lamang ay isang multo o hindi totoo. Ngunit ‘yung iba naman, nagsusutpetsang bahagi lamang ito istratehiya ng nakaupong gobyerno upang maparalisa ang mga oposisyon?
Subalit napakalaking pananalapi kung mapatunayan ito sa husgado? Bilyun-bilyong piso na diumano kaban ng bayan ang nawala dahil sa mga mistulang ghost projects. Sana ay tugon na ito sa kahirapan at pag-unlad kung mailalagay ito sa wastong alokasyon, hindi sa mga luho, kundi para sa edukasyon, agrikultura, imprastraktura, kalusugan, pabahay, sandatahang lakas, kapulisan at mga iba pang kawani ng gobyerno lalo na sa National Disaster Risk Reduction and Management Council na tutugon sa mga sakuna.
MARAMING NAGSASABI, papaano pa ang mambabatas na tatakbo kung ang nasasabing PDAF ay ia-abolish? Marahil hindi nga solusyon na alisin sa poder ng mga nakaupong legislator ang naturang pondo kundi marahil sa kanilang sarili ay baguhin ang kanilang mga budhi para maging ganap sila sa kanilang mga tungkulin.
Sa aking opinyon at pananaw, parang pelikula ito, kung walang kontra-bida, walang bida. Sa isang kuwento, kailangang manaig ang ang kapakanan ng nakararami. Ito naman ang kinakatawan ng bida. Sa ngayon, sino kaya ang kontra-bida? Ang kasalukuyang nakaupo? O ang mga umalsa? Parang gulong lamang, ‘di ba? Parang gabi at araw ngunit umiikot ito ayon sa kanyang kalagayan.
Sa aking paniniwala, tayo ay gumagalaw sa mundong ito na may pananagutan sa bawat isa. Kung tayo ay naluklok sa puwesto at may magandang budhi para sa pagsisilbi sa mamamayan, iwasan natin ang mga tukso na maaaring magpahiya, magsira sa mga nanunungkulan.
LAHAT NG bagay, tayo ay may kontribusyon, maging mabuti man ito o masama sa panunungkulan. Kaya lamang, dapat ay alam natin kung papaano tayo ibinoto at pinagkatiwalaan ng ating mamayan.
Iisa lang ang panalangin ko. Baguhin sana ang mga pag-iisip natin tungo sa kalayaan, sa pagkakisa, sa pagkaalipin ng korupsyon upang makita natin ang katotohanan. Ang ating bansang nanaghoy sa kahirapan ay kailangan hindi lamang ng mga lider na makabayan kundi tapat sa kanyang tungkulin at sinumpaan.
Reconciliation ang mabuting pag-ibig na handog sa hapag sa ating dalangin sa itaas. Tulungan nawa ang ating bansa sa mga darating pang mga nagbabadyang sakuna. Idalangin natin sa Maylikha na pagwagian natin ang mga tukso ng pansariling hangarin.
Ito ang larawan sa canvas ni Maestro Orobia. For comments and suggestions, e-mail: [email protected]
Larawan sa Canvas
By Maestro Orobia