NAG-IIPON NA SI Lorna Tolentino ng pambili ng lupa para sa ipapapatayo niyang bahay. Malaki raw kasi ang nagastos ni Lorna sa pagpapatayo ng museleo ng yumao niyang asawa na si Rudy Fernandez. Presyo na raw kasi ng isang bahay ang halaga ng museleo ni Daboy sa The Heritage Park.
Gusto kasi ni Lorna na iwan na ang bahay nila ni Rudy sa White Plains. Masyado raw kasi maraming alaala ni Daboy ang nakikita ni Lorna sa bahay nila. Hanggang ngayon ay umiiiyak pa rin daw siya tuwing umaga at bago siya matulog.
Plano rin ni Lorna na bumili ng farm sa Zambales. Dito raw kasi nakabili ng farm ang kaibigan niyang si Isabel Rivas at kabisado na ang lugar. Hinihintay lang daw ni LT ang kaibigan niyang si Terri bago siya bumili ng farm sa Zambales.
Natutuwa si Lorna sa magandang feedback sa Dahil May Isang Ikaw especially ng mga abugado na sumusubaybay sa show.
“Nakakatanggap kami ng feedback from them na pinapanood talaga nila ang Dahil May Isang Ikaw. Gusto nila ang show kasi napapakita talaga kung ano ang buhay nila at nalalaman ng mga tao na may social life rin sila kapag wala sa court room. Pati na ang mga abugado sa PAO (Public Attorney’s Office) ay nagpapasalamat sa show dahil napapakita ang napakalaking tulong na ginagawa nila sa mga walang pambayad ng abugado,” lahad ni Lorna.
At sa nababalitang mga manliligaw niya tulad ni Willie Revillame, natatawa lang si LT. Knows naman kasi ng mga gustong pumorma sa kanya na napakarami nilang pagdaraanan bago siya maligawan. Una na ang mga kaibigan ni Daboy. Sumunod ang kanyang mga anak na lalaki.
Arnold Reyes, kaabang-abang sa In My Life
SUNUD-SUNOD ANG grasya para kay Arnold Reyes. After winning the Best Supporting Actor award sa Cinemalaya this year for Astig, he gets the chance to be in the cast of In My Life at maka-eksena ang Star For All Seasons na si Vilma Santos.
He plays the husband of Dimples Romano sa In My Life na isa sa anak ni Governor Vi. Nu’ng una raw talagang kinabahan siya. Pero nu’ng si Governor Vi raw mismo ang sumuporta sa kanya, naibsan na ang kaba.
“‘Yung first scene kasi namin ni Ate Vi, magkausap kami. So, nu’ng si Ate Vi muna, siyempre, sinuportahan namin siya. Tapos nu’ng ako na, nu’ng eksena na namin, sabi ni Direk (Olive Lamasan), ‘O rest muna si Ate Vi.’ Tapos sabi niya, ‘Hindi, hindi Direk, susuportahan ko sina Arnold.’ Kahit hindi sa kaya nakatutok ang kamera, nandu’n pa rin siya. Grabe! Ang bait pala ng isang Vilma Santos. ‘Tsaka ang dami ko’ng natutunan sa kanya,” kwento ni Arnold.
Feeling ni Arnold, nagsisimula ulit siya every time may new project siya kahit nanalo na siya ng award. And in fairness, award-winner na rin si Arnold tulad nina Governor Vi at John Lloyd Cruz.
“Binibiro nga ako nina Inang (Direk Olive), ‘Naku, Arnold, darating din ‘yang moment mo.’ Kasi, kinukwento niya si John Lloyd ay doon din nagsimula. ‘Tsaka, tuwang-tuwa sila nu’ng nanalo ako. Pagdating ko sa set, niyakap ako ni Direk. Sabi niya, ‘Arnold, congratulations,’ ganu’ng-ganun. Si Ate Vi, hinug din ako. Tuwang-tuwa sila,” masayang sabi ni Arnold.
Sinagot din ni Arnold ang intriga tungkol sa award sa Cinemalaya.
“Basta nasa akin na ’yung trophy, ayos na ‘yun. Kasi binigay ko naman lahat para sa Astig. Talagang pinagtrabahuan ko,” diin ni Arnold.
‘Yun na.
Julie Ka!
by Julie Bonifacio