KUMBINSIDO ANG mga senador na hindi dapat tanggapin ng Impeachment court bilang ebidensiya ang mga ipinahayag ni Department of Justice Sec. Leila de Lima nang tumestigo ito sa Senado noong nakaraang linggo.
Ang dahilan, ayon sa mga senador ay maliwanag na “hearsay” ang mga ipinahayag ni Sec. De Lima dahil hindi niya personal na narinig o nasaksihan ang pag-uusap ng mga justices noong naganap ang kuwestiyunableng deliberasyon sa Korte Suprema.
Ang “hearsay”, parekoy, ay terminong pinaganda lamang sa terminong legal. Pero ang tunay na kahulugan nito sa wikang Tagalog ay “tsismis”.
Ibig sabihin, wala nang maidulog ang prosecution panel na matinong ebidensiya o testigo laban kay Chief Justice Renato Corona. Kaya nga pati tsismis ay gusto na nilang gamitin laban sa punong mahistrado!
Ang hindi ko maunawaan, parekoy, kung bakit pumayag naman itong si De Lima na tumestigo para lamang maglahad ng “hearsay” o tsismis!
Bilang isang magaling na abogado at kalihim ng Katarungan, hindi ako naniniwala na hindi alam ni De Lima na ang kanyang ilalahad bilang witness sa nasabing Impeachment trial ay isa lamang hearsay o tsismis!
In short, ginawa siyang tsismosa ng grupo nina Rep. Niel Tupas! Tsk, tsk, tsk!
MAY MGA tao na likas talaga ang su-werte sa buhay.
‘Ika nga eh, kung may iilan na mistulang tinototnak ng malas, mayroon namang mga tao na para bagang niroromansa ng bwenas. He, he, he! Isa na riyan itong si Dan de Belen ng Calabarzon.
Si De Belen, parekoy, ang nagsilbing bagman ng mga naging PNP Regional Director sa buong Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon.
Meaning, sa mga panahong nakalipas, bago ka makapagpatakbo ng iligal na sugal, hubaran, putahan at kung anik-anik pa na iligal sa nasabing mga lalawigan ay kailangan mo munang mapatango si De Belen. Para protektado ka ng kapulisan!
At hindi naman mahirap kausapin itong si “taba” De Belen. Dahil ilalatag lang naman niya sa bawat iligalista kung magkano ang lingguhang “tongpats” para sa RD at siyempre ang para sa kanya!
Si De Belen na rin ang nagbibigay ng budget para sa ilang taga-media!
Lilinawin lang natin, parekoy, na wala ang ating pangalan sa “media blue book” ng bagman na ito!
Siyanga pala, kaya ko nasabing likas ang suwerte sa buhay nitong si Dan De Belen ay dahil ngayon pa lang ay kalat na naman ang balita…
Na si De Belen pa rin ang bagman ng bagong upo na PNP Regional Director ng Region 4-A na si C/Supt. James Andres Birung Melad!
PAKINGGAN ANG aking programang ALARMA Kinse Trenta sa radio station DZME, 1530kHz, AM band (dulong-kanan ng talapihitan) tuwing alas 6-7 ng umaga, Lunes hanggang Biyernes. Mapapanood din ito via live streaming sa www.dzme1530.com. Anumang reaction ay ipaabot lamang sa [email protected] o CP No. 09321688734.
Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303