MATAPOS MAGLABAS ng tila listahan ng “honor roll” ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ng mga pangalan ng taxpayer na nagbayad ng pinakamalalaki sa taong 2012, marami ang nagreklamo kung bakit hindi naisama ang kanilang mga pangalan sa kabila ng napakalalaking perang ibinayad nila sa buwis para sa taong nabanggit.
Marami ang nagkomento na hindi makabubuti sa imahe ng kanilang mga kompanya ang hindi pagkakasama ng mga pangalan nila sa listahang inilabas ng BIR hinggil sa “Top 500 individual tax return filers”. Ang pangamba ng marami ay baka isipin ng mga tao na nandadaya sila sa kanilang binayaran dahil may mga TV personality na nakasama ang pangalan sa listahang ito. Samantalang silang may malalaking kompanya at sikat na business establishments ay hindi naisama.
Mula sa listahang ito ay masasabi ring mas mababa ang binayarang buwis ng ilang mga tycoons kaysa businessmen, bankers at celebrities. Marahil dito nanggagaling ang mga pangamba ng mga nagrereklamong kilalang mga personalidad. Katunayan ay ang dating senador na si Manuel Villar na nagbayad ng P72.29 million halaga ng buwis mula sa pinagbentahang “shares” ng Vista Land at Starmalls ay hindi rin nakasama sa listahan.
Ang depensa ng BIR ay nanggaling umano ang pinagbasihan sa “list of individual taxpayers with the highest income tax payments” sa kinita ng isang indibidwal na tinatawag na “compensation income” at hindi sa mga “non-employment related” na kita. Sinabi ni BIR Commissioner Kim Henares na ginamit nila ang “regular income reported” ng Income Tax Return (ITR).
Ang mga “passive income” at iba pang kita na may kinalaman sa tinatawag na “Foreign at Philippines currency bank deposits” at “capital gains” mula sa pagbebenta ng “shares of stocks” ay hindi kasama sa itinuturing na “regular income tax”. Ito marahil ang dahilan kung bakit hindi nakasama ang malalaking pangalan sa listahang ito kasama na si Villar.
ANG MAGANDANG tanong dito ay ano ba ang intensyon ng BIR sa paglalabas ng listahang ito? Nauunawaan ko ang punto ng mga nagrereklamong personalidad. Tama na baka isipin ng mga tao na nakakita ng listahan na may milagro silang ginagawa.
Simple lang kasi ang lohika sa pagbabayad ng buwis. Kung may malaki kang kinita at nakikita naman ito sa mga nagtatayugang malls, condo buildings, kasikatan ng pangalan o produkto, natural lamang na isipin ng tao na dapat mas malaki ang binayad na buwis ng mga personalidad na ito.
Hindi rin ipinaliwanag sa listahan ng BIR ang mga pinunto ni Henares. Ang mahirap dito ay napakateknikal pa ng mga paliwanag kung sino ang puwedeng isama at anong uri ng kinitang pera ang pinagbabasehan.
NAKAPAGDUDULOT TALAGA ng pagdududa at labis na kalituhan ang listahang ito sa taong bayan. Hindi ito patas at hindi rin makatarungan sa mga personalidad na apektado lalo’t madaling masira ang pangalan ng isang tao ngayon gamit ang mga ganitong uri ng paglalathala.
Kung nais talaga ng pamahalaan na ilabas ang listahang ganito dahil baka nakatutulong ito sa ekonomiya, dapat ay isama ang lahat ng uri ng binayarang buwis para maging patas ang paglalathalang ito.
Sa ganang akin, hindi kailangan ang ganitong listahan. Wala rin akong nakikitang maitutulong nito sa ating ekonomiya. Para ngang nagiging tsismoso lang ang ating gobyerno at gusto nilang ipagsabi sa kabitbahay ang kinita, binayaran at ang pinakamayaman sa bayan ni “Juan”.
Mas maigi siguro kung ang ilalabas nilang listahan ay iyong mga pangalan ng mga taong hindi nagbabayad ng buwis upang mabigyan sila ng leksyon.
Shooting Range
Raffy Tulfo