TULUYAN NANG nagdeklara ng giyera ang kampo ni Vice President Jejomar Binay sa administrasyon ni Pangulong Noynoy Aquino sa pagsasagawa nito ng kanyang sariling bersyon ng TSONA o True State of the Nation Address. Dito ay inilabas ni VP Binay ang mga kapalpakan ng administrasyong Aquino.
Isa-isang binanggit at pinag-usapan ni Binay ang mga isyu gaya ng Manila hostage crisis, Mamasapano massacre at ang epekto ng bagyong Yolanda. Binanatan din ni Binay ang problema sa serbisyo ng MRT, DBM, at ang patuloy na pagdami umano ng mahihirap.
Maagap naman na sinalag ng mga kaalyado ni PNoy ang mga bintang at alegasyon ni Binay kay PNoy. Ayon sa tagapagsalita ng Pangulo ay limang taong pinalakpakan ni Binay ang mga SONA ni PNoy at bakit tila ngayon lang binabalikan ni Binay ang mga isyung kupas na sa panahon. Malinaw umano na ginagamit lang ni Binay ang kanyang TSONA para sa pangangampanya at pamumulitika.
Ayon naman kay Senator Alan Peter Cayetano ay walang kredebilidad si Binay na magsalita tungkol sa katotohanan dahil hindi umano ito humaharap sa katotohanan hinggil sa mga alegasyon ng korapsyon na pinasasagot sa kanya.
Patuloy umano na nagtatago sa katotohanan ng kanyang SALN si Binay. Paano nga ba dapat timbangin ng mamamayan ang mga akusasyon ni Binay sa administrasyong Aquino? Ano ba dapat ang sukatan ng tao para masabi kung totoo ang inilahad ni Binay sa kanyang TSONA?
GALIT DAW ang magnanakaw sa kapwa magnanakaw. Ito naman ang tingin ng mga makakaliwa at ng grupong Bayan. Si Binay umano ay nagmamalinis lang at pilit na pinipintasan ang putik sa mukha ni PNoy, samantalang ang putik sa mukha niya ay hindi niya kayang linisin. Walang dapat pakinggan sa alin man sa dalawa, SONA at TSONA man dahil parehong panloloko lamang sa tao ang nilalaman ng mga ito.
Maaaring ginagamit din ni Binay ang kamalian at kapalpakan ng administrasyong Aquino para mapagtakpan ang mga bahong inilabas laban sa kanya nina Senador Koko Pimentel, Antonio Trillanes IV, at Alan Cayetano. Dito rin marahil nag-uugat ang konteksto ng kawalang kredibilidad, ayon sa pahayag ni Cayetano.
Tila bihag si Binay ng mga akusasyon sa kanya na pilit niyang iniwasan sagutin. Hindi dumalo sa anumang pagdinig sa Senado si Binay hinggil sa kontroberyal na mansyon nila sa Batangas, maanomalyang presyo ng bagong City Hall ng Makati at ang over-priced na Makati Science High School. Hangga’t hindi sinasagot ni Binay ang mga ito ay mananatiling kuwestiyunable ang kanyang pagkatao at kredibilidad para magpuna sa kapalpakan ni PNoy at magsabi ng katotohanan.
KUNG MAIPAGKUKUMPARA ang kredibilidad ni PNoy laban kay Binay gamit ang mga alegasyon ng pagnanakaw bilang salik para matukoy ito, tila dehado si Binay rito.
Una ay sa loob ng limang taong pagiging pangulo ni PNoy at isama pa ang mga panahong siya ay naglingkod bilang kongresista at senador, wala ni isang bintang at alegasyon ng pagnanakaw sa katauhan niya. Marahil ay ito rin ang naging dahilan kung kaya maraming boto ang nakuha ni PNoy noong 2010 presidential election.
Samantala ay bugbog sa paratang ng pagnanakaw si Binay at pamilya nito. Maraming mga ebidensyang inilabas ang mga kritiko ni Binay na hindi sinasagot ni Binay magpahanggang ngayon. Ang pagkakasangkot ng asawa at anak ni Binay na si Mayor Junjun sa mga isyu ng korapsyon sa Makati ang labis na nagpapababa ng kredibilidad ni VP Binay. Dagdag pa ang pagkakasuspinde kay Mayor Junjun ng Office of the Ombudsman dahil nakitaan ng merito ang mga kasong kinakaharap ng suspendidong alkalde ng Makati.
Naging kantyaw rin ng mga kritiko ni Binay ang mag-aaral na dumalo sa kanyang TSONA na tila ay pinilit lamang ng pamunuan ng University of Makati. Mababanaag di umano sa mukha ng mga ito ang maalinsangang panahon at pagkainip habang nakikinig sa TSONA. Tila marami ring mga residente ng Makati mula sa mahihirap na barangay nito ang sapilitang pinapapalakpak gaya ng sa SONA ni PNoy, ngunit ang kaibahan ay walang puwersa ang mga palakpak nila at kahit ang mga linyang “walang trabaho at nagugutom ang mga tao” ay pinapalakpakan pa rin. Halatang hindi naman inuunawa ng mga audience ni Binay ang mga sinasabi niya sa TSONA.
MAAARING WALANG kredibilidad si Binay na pulaan ang SONA ni Pangulong Aquino, dahil na rin sa mga kinakaharap niyang isyu ng korapsyon. Ngunit hindi rin nangangahulugan na walang mali sa huling SONA ni PNoy at walang kapalpakan sa kanyang administrasyon.
Ang mga nabanggit ni VP Binay sa kanyang TSONA gaya ng nangyari sa Luneta hostage crisis, pagkamatay ng SAF 44 sa Mamasapano at kapalpakan sa serbisyo para sa mga nasalanta ng bagyong Yolanda ay pawang may katotohanan lahat. Talagang pumalpak ang gobyernong Aquino rito.
Marahil ang kakulangan sa SONA ni PNoy ay ang paghingi niya ng paumanhin sa mga kapalpakang nabanggit sa TSONA ni Binay. Gayun pa man ay hindi rin naman tama na balikan pa ang mga lumang isyu ng kapalpakan ng gobyerno at gamitin ito sa isang pansariling motibo. Matatalino na ang mga tao ngayon at lalo lamang pinabababa ang kumpiyansa at tiwala ng mga ito kay Binay kung patuloy na lalaruin ng pangalawang pangulo ang maputik na pulitika.
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan at napanonood sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Ang inyong lingkod ay napanonood sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.
Panoorin ang T3: Alliance sa TV5 tuwing Sabado, 4:30 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6843.
Shooting Range
Raffy Tulfo