NAGSALITA NA sa wakas si Sen. Ramong “Bong” Revilla, Jr. ukol sa mga paratang sa kanya kaugnay ang iskandalo sa maling paggamit ng kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF). Kagaya ng inaasahan ng marami nating kababayan, itinanggi ni Sen. Revilla na may kinalaman siya kay Janet Lim Napoles at sa pagnanakaw ng PDAF na umaabot sa Sampung Bilyong Piso. Binantayan din mabuti ng taong-bayan ang kanya talumpati dahil nangako siya na may pasasabugin na kontrobersya laban sa Malacañang at sa kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino III.
Hindi na nagulat ang mga nakikinig nang isangkot ni Sen. Revilla si Pangulong Aquino, at ang mga miyembro ng kanyang Gabinete na sila Sec. Mar Roxas ng DILG at Budget Secretary Butch Abad, sa pakikialam sa Impeachment ni dating Chief Justice Renato C. Corona. Ayon pa kay Sen. Revilla, nakipagpulong sa kanya ang mga ito at hiniling na ibalato na lang ang kanyang boto para sa conviction ni Chief Justice Corona. Malinaw na isa itong pakikialam sa isang proseso ng Senado na dapat sana ay malaya mula sa impluensya ni Pangulong Aquino.
Ngunit alam na naman natin lahat ito. Inaasahan natin na itatanggi ni Sen. Revilla ang mga paratang sa kanya. Hinihintay na din naman talaga natin na idadawit niya ang Malacanang sa kanyang pagbubunyag. At alam na rin ng lahat na maghuhugas-kamay ang Malacañang sa anumang paratang na ibabato rito. Ang lubos lang na nakakalungkot ay ang ginagawa ng Malacañang na pagpapalusot na tila ba umiinsulto sa kakayahan ng taong-bayan na mag-isip.
Ayon sa Malacanang, pinulong lang umano nila si Sen. Revilla upang alamin kung totoo na may pressure sa kanya kaugnay sa Impeachment ni Chief Justice Corona. Sinabihan lang din umano nila si Sen. Revilla na bumoto lamang ayon sa ebidensya. Alam naman ng lahat na hindi ito ginagawa sa tunay na buhay. Kung wala kang interes sa isang kaso, ano ang iyong magiging dahilan para ipatawag ang hukom? Kailangan din ba na ipaalala pa na dapat bumoto ang isang hukom ayon sa ebidensya?
Ang palusot ng Malacañang ay mas malabo pa sa tubig-kanal o sa tinta ng pusit. Kapag ipinatawag mo ang isang hukom, lalo na ikaw ay kasalukuyang Pangulo ng isang bansa, ikaw na mismo ang naglalagay ng pressure sa hukom na iyon. Kahit na wala pang salita ang mamagitan sa inyong dalawa. Sana, mapagtanto ng Malacañang na tanggap naman ng marami na talagang nakikialam si Pangulong Aquino upang matanggal si Chief Justice Corona. Marami rin ang naniniwala na iyon nga ang kailangang gawin noong panahon na iyon. Sana lang, huwag na tayong paglakuan ng bilasang isda.
Sampal-Tubig
By Atty. Reynold S. Munsayac