IN TWO months, lilipat na sa kanilang palasyo ang mag-asawang Tuesday Vargas at Coy Placido. Kaya naman walang pagsidlan ang kasiyahang nararamdaman ngayon ni Tuesday dahil by October daw ay matapos na na ang kanilang dream house, at ito na rin daw ang magsisilbing ta-hanan nila for the rest of their lives.
“Next month, lilipat na kami sa bahay namin na mahigit isang taon naming pinagpaguran, pinagdanakan ng dugo, charot! So, ‘yun, nakakatuwa kasi kahit na namamaos na ako meron palang pinatutunguhan,” lahad ni Tuesday sa amin noong Martes, August 21 nang makausap namin siya sa launch ng isang magazine sa The Fort.
Dugtong pa niya, “Blood, sweat, and tears. Tsaka hindi lang one year ‘yan, ‘yung pag-iipon, basta buong career ko ‘ata, da-han-dahan-dahan. Kasi gusto ko ‘yung magpatayo ka ng bahay ‘yun na ‘yung gusto ko. Mismo, isang pasada. Puwede kong masabing dream house ko na ‘to.”
Ang nasabing bahay ay nakatayo sa isang subdivision sa Fairview dahil gusto raw niya na kapag magkaanak na sila ng asawang si Coy ay meron daw playground na tatakbuhan at mapaglalaruan ang kanilang magi-ging supling.
Wala pa ba sa plano nila ang pagkakaroon na ng anak? “Gusto ko na talaga, pero gusto ko rin na hindi kami napi-pressure na parang ginagawa n’yo nang trabaho ‘yun, ‘yung churva. ‘Pag ibibigay magkakaroon naman, tsaka nasa tamang kundisyon talaga ‘yung katawan ko, ‘yung nakakapag-
pahinga ako para ma-enjoy ko naman ‘yung pagbubuntis, ang pagiging mommy, matutukan.”
Nagbuntis na noon si Tuesday pero sa kasamaang palad ay nakunan ito. Inamin naman niyang hindi pa siguro panahon talaga noon na maging ina siya sa anak nila ni Coy. Pero sa ngayon daw, ginagawa na nilang mag-asawa ang nararapat na mga pag-iingat para kung makabuo na sila ay matutuloy na ito.
Kuwento ni Tuesday, “Okay naman, I’m sober for two months, ibig sabihin no-nothing, wala akong alcohol, wala akong masyadong pagpupuyat, wala akong kahit anong bisyo, wala talaga. Kasi hindi rin naman ako naninigarilyo, regular ‘yung exercise, tsaka ngayon nagpo-folic acid na ako, parang praning ako, parang wake up call ‘yun, eh. Kasi its your body na telling you na ‘hoy masyado kang busy, kailangaa mong mag-relax, kailangan mong mag-pull back’. And it’s time to reflect kung bakit ganu’n ang nangyayari sa katawan mo, parang inaabuso mo na. Ako kasi, parang hangga’t kaya, hindi na humihinga sa trabaho. Kasi ako naman, hindi naman ako habang buhay na nandito.
“Hindi mo rin ma-sabi ang panahon na hawak mo ngayon lang, kaya ‘pag binigyan ka ng biyaya at binigyan ka ng grasya, take advantage of it and ipakita mo na kaya mong magpursige. Ako naman palo lang nang palo. Kailangan mong isipin na magpahinga rin minsan.”
Kapag daw parang hindi na niya kaya ang kapaguran pero sige pa rin siya nang sige, dito naman daw pumapasok sa eksena ang kanyang asawa upang paaalahanan siyang kailangan niyang mag-rest. “’Yung husband ko is very, very supportive. Kapag nakikita niya akong napapagod na, ako kasi hindi ako nagko-complain eh, hihilahin na nu’n ‘yung kamay ko at ‘umupo ka nga’, na ‘magpahinga ka’. Siya ‘yung taga bulong ko na sobra na ‘yun, magpahinga ka, preno.”
Bukod sa pag-aartista, may isa pang pinagkakaabalahan si Tuesday para kumita. Ipinakita nga niya sa amin ang mga dala-dala niyang mamahaling bags na nasa sasakyan niya at dala raw niya ito kahit saan siya magpunta. “Meron akong negosyo, isang maliit na negosyo, nagre-resell ako ng pre-owned bags, tapos nagbebenta rin ako ng brand new luxury items, designer bags.”
Makikita raw ang mga paninda niyang pre-owned at brand new bags sa Facebook niyang celebrity closet, kasama ang iba pang artistang nagbebenta rin ng mga item.
Sure na ‘to
By Arniel Serato