Dear Atty. Acosta,
MADALAS KO PONG makita at marinig kayo sa mga programa sa telebisyon at radyo na nagpaparating sa taong bayan kung anong mga tulong ang maaaring maipagkaloob ng Public Attorney’s Office (PAO) sa mga problemang legal ng ating mga kababayan. Nais ko pong liwanagin kung ang isang mayaman na nasa emergency situation at walang available private lawyer ay may karapatang tumawag o humingi ng tulong mula sa PAO. Tama po ba?
– Girlie
Dear Girlie,
SA LOOB NG mahigit 3 dekada, mahirap man o mayaman, kung kinakailangan, ang PAO ay sumusunod sa utos ng husgado, o ayon sa Constitution. Tinitiyak ng aming opisina ang mabilis na pag-inog ng gulong ng katarungan.
Ang PAO ay hindi lamang nagrerepresenta para sa mga mahihirap sa mga kasong sibil, kriminal, labor o administratibo sa mga hukuman at iba pang husgado. Ito rin ay nagbibigay ng mga serbisyong legal katulad ng mga sumusunod: pagbibigay ng legal na payo, dokumentasyon o pagno-notaryo (maliban sa mga dokumentong komersyal), pagpapanumpa, conciliation at mediation. Ang pagsilbi ng PAO sa kanilang mga kliyente ay hindi lamang ginagawa sa loob ng kanilang opisina, sa mga hukuman o husgado, sapagkat may mga programa ang PAO sa labas ng kanilang opisina katulad ng Jail Visitation o pagbisita sa mga bilangguan upang malaman ang mga pangangailangan ng mga bilanggo. Kung sino sa kanila ang nangangailangan ng legal na payo o kung sino sa kanila ang nararapat na palayain.
May “Inquest/Night Court duties” ding isinasagawa ang mga abogado ng PAO, kung saan nagbibigay sila ng legal na pagtulong sa mga taong nasa ilalim ng custodial interrogation o inquest investigation na isinasagawa ng mga kapulisan at mga awtoridad.
Ang “custodial investigation” ay pagbibigay ng imbitasyon ng law enforcers sa isang taong pinaghihinalaang gumawa ng isang krimen upang siya ay maimbestigahan ukol dito. Sa custodial investigation, wala pang husgado na makapagbibigay kautusan sa PAO para magbigay ng libreng serbisyo.Habang ikinukulong ang isang tao ay wala siyang kakayahang maghanapbuhay kaya’t may tungkulin ang estado na mabigyan siya ng libreng abogado, ayon sa Constitution. At ito ay mandato ng PAO bilang law office ng estado.
Bilang pagkilala sa mahalagang tungkulin at papel ng PAO, isinabatas ng Kongreso ang pagpapalawig at pagpapalakas sa aming ahensiya. Kaya naman noong Marso 23, 2007 ay ganap na naisabatas ang Republic Act No. 9406 o “PAO Law”. Pinalawak ng nasabing batas ang tungkulin ng PAO.
Bukod sa paghawak ng mga kaso sa hukuman na idinudulog ng ating mga mahihirap na kababayan, maaari na ring magbigay ng serbisyong legal ang aming ahensiya sa mga biglaang pangangailangan lalo na kung ang nasabing serbisyo ay iniuutos o kaya ay itinatawag (“called upon”) ng mga angkop na awtoridad (Section 3, RA 9406). (Tatapusin)
Atorni First
By Atty. Persida Acosta