ANG PAO LAWYERS ay maaaring tawagan o “on call” ng iba’t ibang presinto ng pulis upang makapagbigay ng libreng tulong na legal sa mga taong hinuhuli o iniimbita ng mga pulis upang sumailalim sa isang imbestigasyon o interogasyon. Maaaring tawagan ng mga awtoridad ang mga nasabing abogado anumang oras na sila ay kailanganin para sa ganitong uri ng legal na pag-agapay. Ang mga presinto natin ay may mga logbook ng mga pangalan ng mga nakatalagang Inquest/Night Duty sa bawat araw.. Sa mga ganitong uri ng gawain ay hindi na po hinihingan ng kwalipikasyon ang mga nasabing tao maging sila ay mayaman o mahirap. Sa mga peligrong oras na iyon ay binibigyan sila ng PAO ng pansamantalang libreng tulong na legal.
Bukod dito bilang “PAO legal information dissemination program”, ang PAO ay nakikipagtulungan din sa tri-media upang maipaabot sa sambayanan ang mga legal na usapin, tanong at kasagutan sa batas para sa kamalayan ng mga tao. Meron ding isinasagawang aktibidad ang PAO na “barangay legal outreach” kung saan ang mga abogado ng PAO ay bumibisita sa mga Barangay para maipaabot ang libreng tulong na legal sa mga mahihirap na tao ng lipunan upang maghari ang katarungan at kapayapaan.
At kung may nakasampang kaso na at may utos ng husgado ay kailangang ipagtanggol bilang “counsel de oficio” ang kahit na mayamang tao at may kakayahan na kumuha ng abogado. Katulad na lamang sa kaso ng dating Pangulo ng Pilipinas, Joseph Ejercito Estrada at Senator Jinggoy Estrada. Noong Pebrero 2002, nang pagtatanggalin ni President Estrada ang kanyang mga pribadong abogado, ang Sandiganbayan, ay nagtalaga ng 8 abogado para sa defense team ng dating pangulo sa kanyang kasong Plunder, Perjury at Illegal Use of Alias. Apat sa mga abogadong ito ay public attorneys. Makaapat na formal na hiniling namin na ang PAO ay maka-withdraw bilang mga abogado ng dating Pangulong Estrada subalit hindi pumayag ang Sandiganbayan upang matapos na ang pagdinig ng hukuman sa mga nasabing kaso. Walang nagawa ang PAO at ang inyong lingkod kundi sumunod sa nasabing utos ng husgado. Pagkatapos ng 2 buwan ay pinayagan na ako ng Sandiganbayan na ma-relieve bilang abogado sa kaso ni President Estrada subalit pinaiwan pa rin ang mga PAO lawyers na kasama kong naitalaga.
Bagamat ang pangunahing mandato at papel ng PAO ay ang pagsilbihan ang mga mahihirap, ayon sa dikta ng batas, Constitution at utos ng husgado, ang PAO ay maaaring magbigay ng pansamantala, probisyonal at limitadong pagtulong maging sa mga may kakayahang kumuha ng pribadong abogado. Buwan-buwan ay may report na isinusumite ang mahigit 1,000 PAO attorneys ng Pilipinas na kasama ang PAO regular at limited services.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta