LATE NA DUMATING sina Dingdong Dantes at Marian Rivera sa victory party ng pelikula nilang You To Me Are Everything nu’ng nakaraang Biyernes dahil may commercial shoot sila.
Umiiwas na rin si Marian na ungkatin pa sa kanya ang pagkakamali niya sa isang interview na pinalaki na ng kabilang istasyon.
Diyos ko, ‘day! Sino ba ang hindi nagkakamali sa mga interviews, lalo na sa grammar? Kahit nga mga Kano mismo, nagkakamali rin sa English, talagang pinalaki na nang husto. Kaya mabuti na ‘yung dedmahin na lang ni Marian.
Sabi naman ni Dingdong: “Normal ‘yun, may mga ganu’ng tao talaga na kamalian lang ni Marian ang nakikita nila. At least, tinangkilik naman ng mga fans ang pelikula namin.”
Siguro sobrang na-internalize lang ni Marian ang role niyang may pagka-jologs sa pelikula nila na nagustuhan naman ng mga fans nila.
Malaki nga ang pasasalamat ng magka-loveteam sa magandang resulta ng kanilang pelikula. Nakikita naman daw kasi na enjoy na enjoy ang mga manonood sa pelikula nila kaya nag-hit ito sa takilya.
Sabi nga ni Annette Gozon-Abrogar, sa second day pa lang ng pelikula ay naka-Php 26M na ito. Siguro malakas pa ito sa weekend.
Baka nga raw gawan nila ito ng sequel dahil sa kuwento nito ay puwedeng dugtungan at magkaroon ng part two. Pero siguro sa susunod na taon na ito dahil busy naman ang dalawa sa Endless Love at magkakaroon pa sila ng concert series sa Amerika at Canada.
NAKU, HA?! AKALA ko pa naman may hold order itong si Hayden Kho, ‘yun pala nakaalis pa-Amerika at ang sabi meron daw siyang rehab doon sa Arizona.
Bongga, ‘di ba? I’m sure si Dra. Vicki Belo na naman ang may gastos niyang lahat, na itatanggi naman niya sa akin.
Ang sabi pala ng abogado ni Katrina Halili, wala naman daw hold order si Hayden. Pero habang ongoing ang kaso, dapat dito siya sa bansa at humingi ng permiso sa korte kung lalabas ito ng bansa. Obviously, hindi raw ito humingi ng permiso dahil hindi ito nakarating sa kanila.
Ang sabi naman ng kampo ni Hayden, hindi naman daw niya ito tatakasan, dahil tuwing hearing nga ay present siya.
Sa June 7 pa kasi ang susunod na hearing kaya may time pa siyang magliwaliw at kung ano man ang gawin niya sa Amerika.
Ewan ko kung anong hakbang ang susunod na gagawin ng abogado ni Katrina na si Atty. Raymund Palad. Abangan na lang natin sa susunod nilang hearing.
NGAYON NA ANG araw ng paghuhusga at sa ating mga kamay nakasalalay kung sino ang susunod na mamumuno sa ating bansa.
Sana huwag tayong padadala sa dami ng commercial at mga survey na iyan. Kung sino ang nasa puso natin, ‘yun ang sundin natin.
Ipagdasal na rin natin na maliwanagan tayong lahat na this time, hindi na tayo magkamali sa pagpili ng ating mga lider. Makiisa na rin tayo sa pagdarasal na sana, maging maayos lang at hindi magulo itong halalan, dahil halos lahat ay nagsasabing maaaring isa ito sa pinakamagulong eleksiyon.
Kaya mag-ingat na rin tayo. God bless us!
Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis