SA WAKAS may isang mataas na opisyal ng Philippine National Police ang sumasang-ayon sa matagal ko nang paulit-ulit na sinasabi sa aking programa sa radyo at maging sa espasyong ito.
Sa panayam ng T3 Reload kay Quezon City Police District (QCPD) Deputy Director for Administration Senior Superintendent Joel Pagdilao noong nakaraang Lunes, inamin niyang may pagkukulang ang PNP pagdating sa recruitment ng mga gustong maging miyembro nito.
Ayon kay Pagdilao, mahalaga na magkaroon ng mahigpit na screening process ang PNP para masala ang mga taong hindi karapat-dapat na maging pulis. Bukod sa neuro-psychiatric exam, mahalaga rin ang pagkakaroon ng masusing pagsisiyasat sa personal/family background at history ng isang aplikante, dagdag pa ni Pagdilao.
KUNG INYONG mapapansin, ang madalas na nasasangkot sa pang-aabuso at samu’t saring kawalanghiyaan ng mga miyembro ng PNP ay ang mga may ranggong Police Officer 1 (PO1). Ito ang mga bagong saltang pulis na katatapos lamang ng kanilang training.
Marami sa kanila na nasa on-the-job training period pa nga lang bilang PO1 ay agad na nasasangkot sa kaliwa’t kanang katarantaduhan.
Ang pangkaraniwang kawalanghiyaan na kinasasangkutan ng mga abusadong PO1 ay ang panunutok ng baril at pambubugbog sa mga inosente at walang kalaban-laban na mga sibilyan.
Ang panghuhulidap o dili kaya’y pagiging padrino ng mga holdaper ang madalas ding gawain ng maraming mga bagong saltang PO1.
SA KASALUKUYANG hiring system ng PNP na nakalatag para sa mga aplikante nito, ang NBI, Police at Barangay Clearance ang tanging nagsisilbing background screening para sa mga recruit.
Kung ang isang aplikante ay mamatay-tao, rapist o holdaper halimbawa, hindi lalabas sa record ng PNP at NBI ang kanyang pagkatao maliban na lamang kung ang kanyang pangalan ay idinawit sa isang kaso.
At kung ang isang aplikante ay may kakilalang opisyal ng barangay, madali siyang makakuha ng Barangay Clearance.
Ang tamang pagba-background check na dapat na ginagawa ng PNP para sa mga aplikante ay paggamit ng isang private investigator na mag-iimbestiga sa iba’t ibang mga lugar na inilagay ng aplikante sa kanilang application na kanilang tinirahan sa nakalipas na maraming taon.
Kasama rin dapat sa pag-iimbestiga ay ang pagkatao ng mga kamag-anak ng mga ito. Ito ang klase ng screening na ginagawa sa Amerika, Europa at maging sa mga Asian country tulad ng Hong Kong at Singapore para sa mga aplikanteng pulis nila.
Mahalaga ang family background investigation na gagawin para sa isang aplikante dahil kapag may mga kamag-anak siyang sangkot sa mga iligal na aktibidad halimbawa, malaking posibilidad na magagamit siya ng kanyang mga kamag-anak na ito sa oras na siya’y maging pulis.
AT PARA roon sa mga nakapasa sa mahigpit na screening process, kailangang maglaan ang PNP ng kagalang-galang na suweldo at mga benipisyo para sa kanila.
Kahit pa gustong magpakatino ng isang dati nang matino na PO1, pero kung ang kanyang suweldo ay hindi sapat para bumuo ng isang pamilya at mamuhay nang disente, madaling masadlak ito sa tukso at mapasok sa mga katiwalian.
Marami sa mga PO1 ang nakatira pa rin sa mga squatter’s area dahil sa lugar na ito lamang kaya ng kanilang suweldo na kumuha ng murang mauupahang tirahan at may matitira pang pambili ng pagkain at iba pang pangangailangan para sa kani-lang pamilya.
Sa lugar na ito makikita ang iba’t ibang klaseng masasamang elemento na ‘di maglalaon ay kanila na ring magiging mga kahalubilo hanggang sa maging mga kumpare’t kumare.
Siyempre, hindi nila puwedeng hulihin ang mga ito, bagkus, sila pa nga ang mga magiging padrino nila sa iba’t ibang iligal na aktibidad.
Shooting Range
Raffy Tulfo