Tunay na diwa ng Edsa

SIMULA RAW nang umupo bilang Mayor ng Maynila si dating Pangulong Joseph Estrada ay tila naging mala-San Juan ito noong panahong siya rin ang mayor dito sa panahon ng Martial Law. Mahaba rin ang naging panunungkulan ni Erap sa San Juan gaya ng namayapang dating Pangulong Ferdinand Marcos.

“No one is above the law” ang laging diin ni Erap sa mga panayam sa kanya sa radyo at telebisyon sa isyu ng paglilimita sa mga trailer truck na dumaraan sa Manila. Para sa marami ay tila may batas militar sa Maynila ngayon. Nagsuot pa ng army jacket si Erap noong unang araw ng pagpapatupad sa tinatawag na “day time truck ban” sa Lungsod ng Maynila.

Nauna na dati ang biglaang paghihigpit ni Erap sa mga bus na kulorum na pumapasok ng Maynila. Hinigpitan ang pagpapatupad ng mga bagong stickers para makabiyahe ang mga pampasaherong bus dito.

 

NGAYON AY patuloy pa rin ang pagmamatigas ng dalawang panig sa isyu ng “day time truck ban”. Para kay Albert Suansing, ang Director of the Confederation of Truckers Association of the Philippines, patuloy ang kanilang protesta sa pamamagitan ng “truck holiday” hanggang hindi inaalis ang “day time truck ban”. Ito ay hindi lang umano isyu at problema sa Lungsod ng Maynila kundi naaapektuhan din nito ang kapakanan ng buong bansa. Aabot ang epekto ng problemang ito sa mga tahanan ng bawat Pilipino sa bansa dahil apektado rin ang supply sa mga pamilihang bayan.

Sa paliwanag naman ni Erap ay aabot sa P2.5 billion kada araw o P876 billion kada taon ang nawawalang pera sa Manila City dahil sa matinding traffic dulot ng mga malalaking truck. Giit pa ni Erap na walang sino mang maaaring magdikta sa Lungsod ng Manila kung paano nila dapat ito pamahalaan.

ANG KAPWA panig ay may punto ngunit tila may pagka-batas militar umano ang pagpaparating ng mga adhikain ni Mayor Estrada. Hindi masama ang layunin na mapagaan ang traffic sa Maynila, lalo’t higit itong kailangan dahil sa mga nakatakdang pagpapagawa sa mga major roads sa Metro Manila.    

Dapat ay magkaroon ng balanse ang mga puntong makatuwiran ng dalawang panig. Ang daan sa Maynila ay hindi nagsisimula at natatapos sa kanilang lugar. May ibang mga lungsod sa Metro Manila na apektado rin sa isyung ito dahil dumaraan din sa kanila ang mga trailer trucks na ito.

Sa makatuwid ang problemang ito ay hindi lang ng Maynila kundi pati ng mga karatig lungsod nito. Ang solusyon at pagpapasya ay hindi lang dapat manggaling sa Manila government kundi sa iba ring lungsod at sector ng lipunan.

WALA SIGURONG Pilipino ang gustong mabuhay muli sa ilalim ng isang patakarang mala-batas militar. Kaya naman tayo  sensitibo sa isyung gaya ng “cyber libel provision”.

Ang selebrasyon ng ika-28 taong anibersaryo ng 1986 People Powe Revolution ay tinapatan ng National Union of Journalist of the Philippines ng isang “Black Tuesday Protest”. Ipinapabasura ng grupong ito ang “cyber libel provision” sa pamamagitan ng kanilang protesta na may temang “Free expression from Highway 54 to cyber space”.

Ang EDSA o Epipanio Delos Santos Avenue ay dating tinatawag na “Highway 54” at dito naganap ang makasaysayang 1986 Edsa People Power Revolution.

Ang kawalan ng kalayaang makapagpahayag ng politikal na paniniwala at demokrasya ang naging sentro ng rebolusyong ito kung saan ang mga magulang ni PNoy ang dalawa sa maraming personalidad na naging inspirasyon dito.

Nawawala na nga ba ang tunay na diwa ng People Power Revolution? Ito ang tanong ng marami dahil makalipas ang 28 taon ay tila may pagkitil pa ring nagaganap sa kalayaang magpayahag o ‘yung tinatawag na “freedom of expression”.

MARAMI RIN ang nadismaya sa ginawang paglipat ni PNoy sa Cebu ng opisyal na selebrasyon ng People Power Revolution.   

Ang naging depensa ni PNoy sa kritisismong ito ay maraming mga lugar sa bansa ang naging instrumento sa tagumpay ng Edsa revolution gaya ng Cebu at Davao. Binigyang-diin pa ng Pangulo sa kanyang talumpati sa selebrasyon ng Edsa People Power sa Cebu na ang simula ng 1986 Revolution ay nangyari sa Cebu at nagtapos lamang sa Edsa.

Ang diwa ng Edsa ay hindi nakikita sa kung saan at paano ito ginugunita sa araw ng anibersaryo nito. Ang tunay na diwa ng Edsa ay hindi rin dapat ikinakahon at nililimitahan sa pagkakaroon ng kalayaang magpahayag. At lalong hindi dapat ituon ang diwa ng Edsa sa mga taong naging bahagi noon ng Edsa revolution at ngayon ay nasasangkot sa mga kontobersiya at korapsyon sa lipunan. Bagkus, sa bawat Pilipino ito makikita.

Ang korapsyon, iba’t ibang isyu sa bayan at mga kontrobersya ay bahagi ng bawat estado at lipunan sa buong mundo. Bahagi ang mga ito ng tinatawag na social evolution ni Friedrich Hegel. Ang Hegelian evolution of “thesis”, “synthesis” and “anti-thesis” ang nagpapakita ng pagbabago at pag-unlad ng tao at lipunan. Ayon dito ay makikitang kahit gaano pa kasaklap ang pinagdaanan ng lipunan ay gaganda at gaganda ang antas ng pamumuhay dito.

Ang tunay na diwa ng Edsa People Power Revolution ay nasa antas ng pag-iisip ng bawat Pilipino. Kung tayo ay mas naging mulat na sa katotohanan ng buhay at kung tayo ay mas nagkakaroon ng pagpapasya batay sa isang matalino at pansariling pagpili ay masasabing ang tunay na diwa ng Edsa People Power ay naganap na sa diwa at isip ng bawat Pilipino.

Sa puntong ito ay walang batas militar o anumang uri ng pagsupil sa karapatan at kalayaan ang mananaig.

Ang inyong lingkod ay napakikinggan at napanonood sa 92.3 FM Radyo5 at sa Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.

Para sa inyong mga sumbong, magtext sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED

Shooting Range
Raffy Tulfo

Previous articleGustong Palitan ang Apelyido ng Anak
Next articleMeet Amazing Arnold Allanigui

No posts to display