IDEYALISMO AT tawag ng paglilingkod sa bayan ang nagbuyo sa isang batang manggagamot na sumabak sa pulitika sa susunod na taon. Nakatataba ng puso na sa gitna ng nagkalat na oportunista at trapo na ngayon pa lang ay buong ingay na nagbabandera at nag-aalok ng kanilang paglilingkod.
Tinalikuran ni Dr. J. R. Valdez ang isang matagumpay na medical practice sa Sweetwater Clinic sa San Diego, California, U.S. para tugunan ang isang tawag. Wika niya: marahil manggagamot ang pinili kong propesyon. Tumulong sa pagdugtong ng buhay at pagwawasto ng kalusugan lalo na sa kapos at lubhang nangangailangan. Ngunit mas higit pa akong nakinig sa tawag. Tawag ng paglilingkod sa bayan.
Bagong mukha. Bagong dugo. Mga ito ang tawag ng pagkakataon sa mapaghamon na tawag ng pagli-lingkod sa bayan. Sila ang may susi ng bagong pag-asa sa pagbabago at paglilinis ng ating kulturang pulitikal. Panahon na walisin ang mga trapo na mga inuugatan ng talahib sa puwesto at paghahari ng personal na interes sa paglilingkod.
Dagdag pa niya: Sa aking distrito, laganap ang sakit at kahirapan. Nais kong umaksyon, tumulong para sa kanilang kapakanan lalo na sa kalusugan.
Sa isang may edad na 31, matikas at dakila ang pag-iisip nito. Hindi kataka-taka. Si Dr. J.R. ay pa-ngatlong anak na lalaki ng isang kilala at batikang manananggol at Dean ng University of the East College of Law, Amado Valdez. Household name si Dean Valdez ‘di lamang sa larangan ng batas kundi sa pagmamalasakit sa naapi at kapos.
Kagilas-gilas ang kredentials ni Dr. J.R. Valdez. Honor graduate mula elementary, high school at college sa De La Salle. Pumasa sa medical board nu’ng 2007 at nagtungo sa U.S. para roon mag-practice. Hanggang nagdesisyon siyang tugunin ang tawag sa paglilingkod sa kanyang sariling bayan at kumunidad.
Sa susunod na eleksyon, magsasawa tayo sa i-ngay, palabas at kakulitan ng mga kandidato sa ating paligid. Matatamis na salita, mapanghalinang talumpati at mabangong pangako ang aapaw sa ating mata at pandinig. Huwag tayong palilinlang.
Ang pitak na ito ay buong pagmamalaking ine-endorso ang kandidatura ni Dr. J.R. Valdez bilang konsehal sa 4th district ng Maynila. Bagong mukha. Bagong dugo. Sugo ng pagbabago at ibang uri ng paglilingkod at pagmamalasakit sa bayan.
SAMUT-SAMOT
MARAMING NAGTAAS ng kilay sa pagbabayad ni P-Noy ng P70,000 piyansa ni former Gov. Grace Padaca na nasasakdal ng graft cases sa Sandiganbayan. Ngayon lang ang ganitong pangyayari. Ito ay matapos hirangin ng Pangulo si Padaca bilang Comelec Commissioner. Sa pagbabayad, magkakaroon ng utang na loob si Padaca sa Pa-ngulo. ‘Di ba raw ito’y mako-compromise sa independence ng dating gobernadora bilang Commissioner? Nagtatanong lang.
HANGGANG SA kanyang sukdulang pagtanda, malamang na sa kulungan maghihimas ng bakal si dating PCSO Chair Manoling Morato. Nag-ugat ito sa 365 plunder cases na isinampa sa kanila ng Ombudsman nu’ng sila ang namamahala ng ahensya sa panahon ni GMA. Bukod dito, may electioneering charges pang hinaharap si Morato. Sa wakas magbabayad na rin siya ng utang sa mga taong inalipusta niya at mga mararangal na pangalan kanyang dinungisan. Talagang ang karma, ‘di nagmimintis.
AT ANG bad karma ang kasalukuyang hinaharap ni dating Pangulong GMA. Nahaharap din siya sa P365-M plunder case na isinampa ng PCSO. Balik hospital arrest ang dating Pangulo. Nanlumo ako sa hitsura niya: payat, mukhang dehydrated at may malubhang dinaramdam. Ngunit ang batas ay dapat ipatupad. Walang nakalulusot sa karma.
KUNG SINU-SINONG sinto-sinto ang nag-file ng kandidatura bilang senador sa Comelec. Mayroong siya raw ay messiah ng mundo; ang isa ay nag-aari raw ng Spratley at panukala na gerahin ang Tsina. Ganyan ang demokrasya. Lahat ay pinagbibigyan ‘wag lamang lalabag sa anumang batas. Bagay na bagay sila sa Senado. Anong say ninyo?
LAGANAP ANG respiratory diseases dahil sa pabagu-bago ng klima. Kailangang mag-ingat, uminom ng maraming tubig at magsuplemento ng kailangang bitamina. Kahapon, barado ang ilong ko at makati ang lalamunan. Masakit din nang konti ang ulo at kalamnan. Ayon kay Doc, pharingitis daw. Beterano na ako sa ganitong uri ng sakit subalit nakakatakot ding baka tumuloy sa pneumonia. Kailanga’y lahat mag-ingat.
PANAHON NA dapat buwagin ng manghahalal ang political dynasties. ‘Di na katawa-tawa ang sitwasyon. Tingnan natin ang mga kakandidato sa senador. Bukod sa karamihan ay mediocre, sila ay kapatid at kaanak ng mga incumbents. Wala na bang iba tayong pagpipi-lian. Ang pulitika ay ginawa nang cottage industry ng maraming pamilya. Biro mo sa La Union, 13 ang kakandidato sa iba’t ibang posisyon ng pamilya Ortega. Wala ba silang delicadeza?
PAYAG AKO sa Cyber Crime Prevention Act sapagkat no freedom is absolute. Subalit kontra ako sa provisions ng libel na maghahadlang sa freedom of speech, isang mahalagang pantaong karapatan. Salimbayan ang batuhan ng opinyon. Si Sen. Ed Angara, nagpakulo ng batas, ay hirap na hirap magpaliwanag sa libel provisions. Nararapat lang na muling upuan ang batas.
BAKIT NAHIRANG na Comelec Commissioner si Grace Padaca na may kasong graft sa Sandigan? Ito ba ang inaatas ng Daang Matuwid? Palagay ko mga taong untainted by graft and scandal ang dapat lang magsilbi sa bayan. Isa pang opisyal na may bahid ay si LLDA Administrator Nereus Acosta.
“THE MISTRESS” proved to be a super-hit movie. Ayon sa balita, kumita ito ng P300-M sa loob ng apat na linggo. Kaya namamayagpag sina John Lloyd Cruz at Bea Alonzo. Talagang super ang pelikula na pinanood ng asawa at anak ko. Nababalisa lang ako na tila ang trend ngayon ay movies about infidelity at violence. Walang magandang aral ito sa madla lalo na sa kabataan. Bakit ‘di i-glorify ng movies ang kabayanihan nina Gen. Gregorio del Pilar at Apolinario Mabini? Dapat ang pagmamahal sa bayan ang pangunahing theme ng ating mga pelikula ‘di ang kalaswaan, kabaklaan at intriga. We have a damaged culture kaya tayo ay lubog sa kahirapan at kapariwarian. Pagmamahal sa bayan ay isinasantabi natin sa prayoridad ng buhay araw-araw.
PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez