ANG KAIBIGAN KONG si George. George J. Manalac ang buo niyang pangalan. Apat na dekada na kaming magkaibigan. Higit pa sa magkapatid. Puso namin at kaluluwa ay naka-tanikala. Tila ba siya ay laman ng aking laman. At ganyan din ako sa kanya.
Mahigit dalawang dekada kaming magkasama sa Unilab, isang dambuhalang pharma firm sa Mandaluyong. Parehong interes namin sa pagsusulat, musika, sports, halaman, at paminsan-minsa’y chicks at iba pa. Seventy-four na ang edad niya. Malakas pa subalit kagaya ko, marami na rin dinaramang sakit.
Ngunit maski sa aming katandaan, pareho pa rin kaming nangangarap. Hindi lamang para lumawig pa ng ilang saglit ang aming hiram na buhay. Nangangarap kami na pagkatapos ng aming paglalakbay, maiwan namin ang ating mahirap na bansa na may konting pag-asa. Ng isang liderato na malinis at tapat. Nagmamalasakit lalo na sa milyun-milyong mahihirap.
Marami kaming ginintuang alaala na pinagsaluhan ni George. Cursillo days. Inuman at kantahan sa National Press Club kasama si nasirang Clod Delfino. Pagkain ng paksiw na lechon at hipon sa Ambos Mundos. Pagkagalit sa corrupt na gobyerno at pang-aapi sa mahihirap. Pagkanta ng mga imortal na awitin ni Joni James, Bart Bucharach, Andy Williams, at Tony Bennett. Panliligaw sa mga bar waitresses. Nightly rosary sa Baclaran at Quiapo Church. At sangkatutak pang alaala na nakasusi sa isang baul para hindi mawala at ‘di makalimutan. Mahal ko si Pareng George.
AY NAKU, ANO ba itong si DILG Secretary Robredo? Bahag-buntot? Inabsuwelto ang kitang-kitang pananapak ni Davao City Mayor Sara Duterte sa isang kawawang sheriff. Nakita ito ng buong mundo sa TV at internet. Kailangan pa ba ang legal analysis para sampahan ng kaukulang kaso ang boxer na Mayor? Pangitang-pangita na ang kanyang ginawa ay direct assault against established authority. Nasaan ang supremacy of the law?
Wala tayong mapipiga kay Robredo. Masyado siyang overrated. Pang isang lokal na munisipyo lang siya. Unang palpak ay ang infamous Luneta hostage situation. Nakaligtas siya sa init ng ulo ni P-Noy. Bakit nga ba?
Uulitin ko ang isang joke na kumakalat: Tanong: “Ano ang pagkakaiba ni Manny Pacquiao at Sara Duterte?” Sagot: “Si Manny ay boxer na naging politician. Samantalang si Sara ay politician na naging boxer.”
Sige, mga amuyong. Maghagikgikan kayo.
PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez