Tungkol sa kanya

MADALAS SA PAG-EDAD ng isang tao, bumabalik ang ha-limuyak o hapdi ng nakalipas. Lalo kung ikaw ay nasa bahay na lang, naghihintay ng pagbalik ng mga apo galing sa eskwelahan, palakad-lakad sa hardin at pagbabantay ng oras sa relo. Isang parusa ang retirement. ‘Pag gising sa umaga, ‘di mo alam gagawin, saklot ng pagkalungkot at pagkabalisa. Mabagal takbo ng oras; parang ‘di umiikot ang buhay at mundo.

Sa mga pagkakataong ito humahaplos sa aking isip ang kanyang alaala. Ewan kung bakit. ‘Di ko na alam ngayon kung nasaan siyang lupalop ng mundo. Mahigit nang 40 taon kaming ‘di nagkita o nagkabalitaan. Delikadong banggitin ang kanyang pangalan. May pagka-selosa pa si Misis. Kung mabasa niya ito, maiintindihan niya. Lahat tayo sa iba’t ibang paraan ay bilanggo ng isang nakalipas.

Siya ang una kong pag-ibig. Medyo corny, pasensiya na kayo. At katulad ng laging kapalaran ng mga unang pag-ibig, ang aming dalawa ay isang Santa Cruzan sa isang Mayo na lumipas, tuluyang nawala. Sa mga kadahilanang ‘di ko pa maarok. Ngunit napakaganda at napakahalimuyak ng pag-ibig. Kaiba. ‘Di malimut- limot.

Huli ko siyang nakita isang gabing umuulan. Nakapila sa takilya ng Ideal Theater sa Sta. Cruz, Manila. Dekada ‘80. Kasama, wari ko, ang kanyang kabiyak. May dinadala na siya sa sinapupunan. Parang tambol ingay sa aking dibdib.

Nagpalitan kami ng ilang sulyap at ngiti. Malungkot. Masaya. Mahapdi. Pagkatapos natagpuan ko ang sarili na tumatakbo sa gitna ng ulan. Sumisigaw. Lumuluha. Habang ang ulan ay palakas nang palakas sa aking ulo at katawan.

Parang isang napanood na ninyong pelikula. O isang romantic novel sa aklat. Maaaring corny. Walang pagkakaiba. Ngunit sa kalungkutan ng aking pagtanda ang alaala ay bumabalik. Araw-gabi. Lahat ay may ganyang uri ng alaala. Nakaukit sa dambana ng dibdib.

SAMUT-SAMOT

PURIHIN ANG MATIGAS na paninindigan ni P-Noy na ‘di ilibing ang Marcos dictator sa libingan ng mga bayani. Dapat lang. Kung hindi,para yang isang dura na pagkataos iluwa ay muling isusubo sa bunganga. Ganyan kasimple ang argumento laban sa isyu.

Angkang Marcos balik uli sa puwesto at kapangyarihan. Senador si Bong-Bong at kongresista si Madam Imelda. Sinong mag-aakalang mangyayari ito. Anong kinalabasan ng Edsa Revolution? Madali tayong makalimot at mabilis magpatawad. Isang ugly nightmare ang rehimen ni Marcos. Kasama tayong pinaglaban ang demokrasya. Subalit may kabuluhan ba ito? Nakakalungkot. Nakakabaliw.

BILYON ANG PONDO sa financial pipeline subalit ‘di ginagamit ito sa infrastructures at proyekto. Na pampabilis ng productivity at ekonomiya. Dahilan ni P-Noy, baka raw maubos ang pondo sa graft and corruption. What a crazy logic. Talagang hindi uusad ang ekonomiya kung ganyan ang sistema.

Ningas-kugon. Ito ang pangunahin nating kapintasan bilang isang bansa at mamamayan. We lack persistence, the virtue of follow through. Halimbawa ang paninigarilyo sa publiko. Pagkaraan ng ilang linggong panghuhuli, nawala na. Balik gawi ang mga yosi kadiri sa mga kalye st public places. Balik din ang paggamit ng wang-wang. Balik din sidewalk vendors sa Divisoria, Baclaran at Echague. Balik ugali. Bakit tayo ganito?

Ano nang nangyari sa paglilinis ng Pasig River? Daming fund raising campaigns, daming project studies, daming mga pakulo. Nagmimistulang ilog na ng alkitran at polluted objects ang historical na ilog. Nasaan si Ms. Gina Lopez? Nasaan  na ang pamahalaan na may unang responsibilidad sa pagililinis ng ilog. Puro ningas-kugon.

PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez

Previous articleDapat na tayong sumuko sa MILF
Next articleGustong ipawalang-bisa ang kasal

No posts to display