Tungo sa 2012

BAGONG TAON, Bagong Pag-asa. ‘Di na babalik kelanman ni isang anino ng nakaraang taon. Ano ang naging hugis at tinig ng 2011?

Mapusok, malamya at mapaghamon na taon. Maraming mabilis na pangyayari sa bansa. Ang iba, walang kabuluhan. Ang iba ay may kabuluhan. Patuloy ang bagsak na ekonomiya dahil sa kawalan ng konkretong programa at direksyon ang pamahalaan. Patuloy ang paglobo ng walang trabaho lalo na dahil sa mga displaced OFWs. Ang peace and order situation ay lalong lumala. Walang kumpas, walang direksyon. Panay ang foreign trips ng Pangulo. Kaliwa’t kanan ang kalamidad. Ang poverty level ay lalong sumayad.

Subalit sa paglaban sa korapsyon, nananalo ang pamahalaan. Una rito ang pagpapakulong kay dating Pangulong GMA. Kasama ng pagsasampa ng kaukulang kaso sa iba pang nagkasalang opisyales nu’ng nakaraang administrasyon. Nabawasan ang lagayan at kickback sa mga government projects. Ang Pangulo ay ‘di pa nababahiran ng corrupt accusation.

Iisa pa rin tayong bansa. Kahit tuloy pa ang digmaan sa Mindanao. Pasalamat tayo sa Poong Maykapal. Ang kahirapan ay ‘di aalis na suliranin. Kailangan lang bawasan ito. Ang kaguluhan ay mananatili sa ating kapaligiran. Kailangan lang pagsumikapang sugpuin ito.

Sa kabuuan, marami tayong dapat ipagpasalamat bilang Pilipino at isang bansa. Pinapatnubayan tayo at inaadya ng ating mahal na patron, Mother Mary. Hingin lagi ang kanyang kalinga. Umasa sa katiwasayan at kasaganaan ng 2012. Happy New Year!

SAMUT-SAMOT

KUNG PUWEDE lang, dapat ipagbawal na ang pagpapatayo ng shopping malls sa buong bansa. Kailangan natin ay production. Hindi malls na pinaglalagakan ng hard-earned money ng mga mahihirap. Wala tayong pinayayaman kundi ang mga Sys, Tans, at Gokongweis.

SA PAMAMASYAL natin sa mga fun/game centers na may mga karnabal, ‘wag nating tatangkilikin at sasakyan ang mga rides hangga’t ‘di natin sigurado na safe ang mga ito. Maraming aksidente ang dulot nito na ikinabubuwis ng buhay lalo na ng mga bata.

LAGI TAYONG vigilant kahit saan tayo magpunta. Sa pagsakay sa mga pampublikong sasakyan, mapagmasid sa kahina-hinalang tao na may masamang balak. Sa shopping malls, sinehan, at iba pang lugar, maging doble ingat. Maraming naglipanang nananamantala.

NAGPAPASALAMAT KAMI kay Mr. Raimund Agapito, Pinoy Parazzi Publisher, sa pagkakataong ibinigay niya na magsulat ng pitak sa pahayagan. Sa loob ng anim na buwan, walang paltos na lumalabas ang Pitik-Bulag. Laging naghahabol sa deadline. Subalit nakakagalak na ang munti naming opinyon ay maaaring nakatulong sa kapakanan ng ‘di iilan at buong bansa. Pambihirang pahayagan ang Pinoy Parazzi. Isang karangalan ang maging kasambahay nito. Mabuhay!

PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez

Previous articleTourism Slogan at Salot sa BOC
Next articlePuwersa nina Kris at Dingdong, pinataob sina Sen. Bong at Marian

No posts to display