NAGSIMULA NA NOONG Lunes ang tinaguriang pinakamatapang na public service program sa kasaysayan ng Philippine television kung saan nagsanib ang puwersa ng tatlong programang dati nang pinagkakatiwalaan, sinasandalan at takbuhan ng mga inaapi at tagpagtugis na rin ng mga manloloko – ang Bitag ni Ben, Tutok Tulfo ni Erwin at Wanted ng inyong lingkod. Ang programang ito ay pinamagatang T3 – Tigas, Tapang at Tapat.
Sa programang T3 walang problemang maliit o malaki. Walang pinipili at walang sinasanto sa ngalan ng serbisyo publiko. Marami ang nagtatanong sa akin na baka magkakasapawan daw kaming magkakapatid dahil halos magkakapareho ang tema ng aming sariling mga programa tulad ng Bitag, Tutok Tulfo at Wanted.
Sa T3, bibitagin ni Ben ang mga manloloko’t mandarambong – ang lahat ng uri ng sindikato. Samantalang tututukan naman ni Erwin ang lahat ng klase ng iligal gamit ang state of the art na mga spy camera, kung kinakailangan, para maisiwalat ang mga ito sabay na bibigyan ng agarang aksyon kaakibat ang mga kinauukulan.
Gagawin namang wanted ng inyong lingkod ang mga taong mapang-abuso at mapang-api lalo na sa mga kababaihan at kabataan. Hahambalusin, tutugisin at kakalawitin ang mga masasamang elementong ito. Ang T3 ay mapapanood Lunes hanggang Biyernes, 5:30-6:00 pm.
HUMAHAGULGOL SI ESPIRIDION “Jun” Cabalonga, isang balut vendor, nang magsumbong sa WANTED SA RADYO noong Lunes. Ayon kay Jun, September 4, Linggo ng gabi pagkatapos niyang magtinda ng balut at papauwi na sana siya nang mapag-tripan umano ng isang pulis na nagngangalang SPO1 Wilfredo Hapin ng Station 7 ng Quezon City Police District.
Dagdag pa ni Jun, binugbog daw siya ni Hapin. At bi-lang patunay, iprinisinta niya ang duguang T-shirt na suot niya nang gabing iyon nang siya ay maltratuhin daw ni Hapin. Sinabi pa ni Jun na labis na kinakatakutan sa kanilang lugar si Hapin na mahilig magsiga-sigaan dahil nakapatay na raw umano ang pulis na ito at nasibak sa serbisyo. Nagtataka si Jun kung papaano napabalik pa sa serbisyo si Hapin. Nang gabing bugbugin daw siya ni Hapin, may nakasukbit daw itong baril kaya labis-labis na lang ang kanyang pagkatakot dito.
Nang makausap ng WSR si Hapin, iba namang bersyon ang kanyang ibinigay sa pangyayari. Ayon sa kanya, lasing daw si Jun at binangga siya nito at siyang naging dahilan kung bakit daw ito nagkasugat-sugat. At kung talagang sinaktan daw niya si Jun, masahol pa raw sana ang inabot nito.
Sinabi rin ni Hapin na ang kasong tinutukoy ni Jun ay napadamay lang daw siya bilang isa sa mga suspek at siya ay naabsuwelto ng korte kinalaunan. Itinanggi rin ni Hapin na may sukbit siyang baril nang gabing mangyari ang insidente.
Pero nang tanungin ko si Hapin, paano mangyari na ang isang maliit na balut vendor ay mangangahas na babanggain ang isang taong alam niyang pulis at batid din niyang nakapatay na ng tao? Hindi nakapagbigay ng matuwid na sagot si Hapin. Sa tulong ng WSR, sasampahan ng kasong administratibo at kriminal ni Jun si Hapin.
Ang WANTED SA RADYO ay mapapakinggan sa 92.3 FM, Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay kasabay na mapapanood sa Aksyon TV Channel 41.
Shooting Range
Raffy Tulfo