“WHY IS SHE such a bitch?!” Ito ang naibulalas ng isang TV director nang ikuwento sa kanya ang tungkol sa pagpapamalas na naman ng kawalan ng breeding ng isang sikat na aktres kamakailan.
Naganap ang pangyayari sa isang malayu-layong probinsiya in Northern Luzon, sa taping ‘yon ng tinatampukang teleserye ng aktres.
Madaling-araw na nu’n, pero subsob pa rin sa magdamagang trabaho ang buong produksiyon. Pero may isang matabang make-up artist ang tila nababagot sa kawalan niya ng inaayusan ng mga oras na ‘yon. Para maalis ang kanyang pagkaburyong, inaliw na lang niya ang kanyang sarili sa pamamagitan ng pagkanta nang a capella.
Isang sikat na Cindi Lauper song ang binanatan niya, na may ganitong lyrics… “I see your true colors shine…” Eksaktong habang may diin sa mga salitang “true colors” ay siya namang pagdaan ng aktres. Ano nga naman ang vernacular equivalent ng mga salitang kanyang narinig kundi “tunay na kulay”?
Duda tuloy ng aktres, siya ang pinatatamaan ng make-up artist dahil tinaon pa raw nitong papadaan siya sa silid na kinaroroonan nito. Hindi naman bothered ang bading dahil sa kanyang puso ay kumanta lang naman siya, walang halong malisya ang mga lyrics na ‘yon.
Ilang sandali, laking gulat na lang daw ng bading nang ipinasusundo na raw siya ng isang production staff, kailangan na raw niyang lumuwas pabalik ng Maynila pero may service naman. That very minute!
Malinaw na isang power-tripping ang inasal ng sikat ng aktres na ‘yon, pero sana, not at the expense of a lowly, if not underpaid worker na maaaring nagpapakain ng maraming bibig sa kanilang tahanan, o nagpapaaral ng mga pamangkin, o tumutustos sa mga gamot ng kanyang mga magulang.
Inalisan ng aktres na ‘yon ang bading ng kanyang right to decent means of survival, habang siya’y nagpapasasa sa ipinahiram lang namang katanyagan na tiyak babawiin dahil sa kawalan niya ng makataong pag-uugali!
Hindi man natatagpuan ang katotohanang ito sa mga history book, but the Bible says it.
(By Ronnie Carrasco III)