KASALUKUYAN PA LANG isinasagawa sa Kongreso ang dalirutang umaatikabo kaugnay sa Reproductive Health Bill.
Ibig sabihin, abalang-abala ang Simbahang Katoliko kung paano sasalagin ang nasabing panukala na malinaw pa sa sikat ng araw na lyamadong-lyamado sa ginaganap na debate.
Ang masakit, parekoy, mukhang mato-two-hits yata ang simbahan sa panahong ito.
Bakit? Aba eh, kasalukuyan namang sumisirit na rin ang isa pang panukalang batas.
Tungkol naman ito sa diborsyo.
Kung ang RH Bill ay halos patungkol sa mahihirap nating kababayan, upang maturuan at matulungan ng ating pamahalaan kung paano i-plano ang pamilya, ang diborsyo naman ay patungkol sa mga maykaya o ‘yung nakakariwasa sa buhay.
Aba naman, kung medyo inaataki na ng gutom ang isang tao, imposible itong makakaisip pa ng diborsyo!
Dahil maliban na sa pag-pakain sa kanyang sarili, oobligahin pa siya ng batas na magbigay ng “alimony”!
Pero sa totoo lang, parekoy, dapat pa ngang magpasalamat ang simbahan sa puntong ito.
Dahil kung talagang hindi nila kayang sagkaan ang pagpasa ng RH bill, may tsansa silang bumawi.
Panabla ‘ika nga, dapat nilang maipabasura ang bill sa diborsyo.
At talagang dapat nilang higpitan ito, kung hindi ay…
Matu-two hits sila! Hak, hak, hak!
SINO ANG MAY sabing kontra sa iligal na sugal si PNP Director General Raul Bacalzo?
Subukan ninyong itanong sa mga tauhan ni Ka Luding sa Baguio City at La Union.
He, he, he, ipinagmamalaki lang naman nila na nagbibigay raw ng lingguhang parating itong si Ka Luding kay PNP Chief kaya hindi kayang ipatigil ang iligal na operasyon nito!
Ha? Paano ‘yan General Bacalzo, mukhang ikinakanta ka nitong “best friend” mo!
Tsk, tsk, tsk, dapat siguro, sir, sampolan mo nang kaunti para kung mapaimbestigahan ka man ng Senado o Kongreso ay maipakita mo kahit paano na sinikwat mo ang gambling lord na ito.
Now na!
INAANYAYAHAN ko po kayo na makinig sa aking radio program na ALARMA KINSE TRENTA, Lunes-Biyernes, 6-7 am sa DZME o kaya ay mag-log-on sa www.dzme1530.com o mag-e-mail sa [email protected] o mag-text sa 09152121303.
Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303