NAKU, HA?! Huwag akong hamun-hamunin ng mga nag-a-Ice Bucket Challenge na ‘yan, ha?!
Ang sabi sa akin ng mga taga-Startalk, gusto raw sana akong i-challenge ni Mr. Fu sa Ice Bucket Challenge. Sinabihan daw siyang iba na lang dahil tiyak na hindi raw ako magpapabuhos ng malamig na tubig.
Oo naman, ‘no! Matanda na ako, hindi na safe na buhus-buhusan ng iced water na ‘yan.
Ang importante riyan, kung may maibigay ka bang donasyon? Ang iba kasi para makiuso lang, magpapabuhos ng malamig na tubig tapos wa naman donasyon!
Kaya dapat magbigay kayo, ‘no! Kung nailabas n’yo sa social media n’yo ang video ng ice bucket challenge n’yo, dapat ipakita n’yo rin ang acknowledgement mula sa ALS na meron kayong naibigay na donasyon.
Kaya abangan n’yo sa Startalk bukas dahil meron akong challenge sa mga co-host ko!
Wala nang buhusan ng iced water. Itsa-challenge ko sila na maglabas ng 100 US dollars para ibigay sa ALS.
Ang dami palang may sakit ng ALS dito sa atin at nangangailangan nga sila ng tulong. Kaya ‘yun na ang gawin n’yo! Magbigay ng donasyon kahit wala nang buhusan ng tubig.
PERO ANG isa pang nangangailangan ng tulong ay ang kasamahan natin sa trabaho na si Tya Pusit.
Tatlong linggo na palang nasa Philippine Heart Center ang kilalang komedyante dahil sa sakit sa puso.
Nakatakda raw itong operahan kaya kailangan ng malaki-malaking halaga.
Nagpaparating na sila ng mensahe sa mga kasamahan sa trabaho dahil kailangan talaga niya ng tulong.
So far, ang ilang mga pulitikong nagbigay ng tulong ay sina Sen. Nancy Binay at si Sen. Jinggoy Estrada na kahit nakakulong ay nagpapadala pa rin ng tulong.
Sila kasi ang ilan sa mga naikampanya noon ni Tya Pusit, kaya nilapitan ito ng pamilya niya.
Ang kapatid ni Tya Pusit na si Nova Villa ay tumutulong din at madalas na dumadalaw para magbigay ng suporta.
Naniniwala si Nova na malagpasan ito ng kapatid niya.
Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis