SI U.S. Navy Admiral Harry B. Harris, ang United States Pacific Command to the Philippines Commander (USPACOM), ay nagpunta sa Pilipinas para sa dalawang araw na pagbisita upang pag-usapan ang bilateral security concerns ng Pilipinas at para maunawaan ang panloob na sitwasyon at seguridad sa mga lugar ng Pacific region, kung saan nananahan ang ating bansa.
Ayon sa isang mapagkakatiwalaang source, nagpaplano na ang U.S. para palakihin, paigtingin, at patindihin pa ang mga military at humanitarian drills o pagsasanay na isinasagawa sa Asia-Pacific bilang bahagi ng isang bagong estratehiya para sagutin ang mabilis na pagpapalaki ng bansang China sa kanilang teritoryo sa bahagi ng South China Sea.
Ipinaliwanag ni Harris ang mga mahahalagang bahagi ng Asia-Pacific Maritime Security Strategy na mismong Pentagon ang may-akda, sa isang pulong kasama sina Defense Secretary Voltaire Gazmin at Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief Gen. Hernando Iriberri. Ang pagpupulong ay isinagawa sa Camp Aguinaldo sa Quezon City.
Sa pagpupulong na ito, ipinangako ni Harris na tutulong ito para palakasin ang kakayahan ng Pilipinas sa intelligence gathering capabilities, bilang pagtalima sa kasunduan ng Pilipinas at U.S. para panatilihin ang regional stability. Naging bahagi ng kasunduan ang pagpapabuti ng kapasidad ng AFP partikular sa mga sumusunod: intelligence, surveillance, reconnaissance, command and control.
SA ISANG panayam ng News5, sinabi ni Col. Restituto Padilla, Jr., ang spokesperson ng AFP, ang mga hakbang na gagawin ng Washington para sa disputed South China Sea at East China Sea, kung saan ay sumesentro ito sa pagbibigay-proteksyon sa “freedom of seas”, pagpapahinto sa nagaganap na conflict sa pagitan ng Pilipinas at China, at pagtataguyod ng pagsunod sa international law.
Matagal nang sakit ng ulo ng Pilipinas ang China dahil sa pag-aangkin nito ng buong South China Sea, kung saan ay aabot sa $5 trillion na ship-borne trade ang dumaraan dito bawat taon. Ang Pilipinas, Vietnam, Malaysia, Taiwan, at Brunei din ay mayroong mga overlapping claims.
Simula nang isinagawa ng China ang land reclamation sa South China Sea noong December 2013, napalaki na ito at aabot na sa 1,170 hectares ng lupain hanggang nitong June 2015.
Ito ang report na inihayag ng Pentagon noong nakaraang linggto na may kinalaman sa Asia-Pacific Maritime Security Strategy. Ang reclamation campaign ng China ay sadyang mabilis at walang laban dito ang pasisikap ng mga bansang nakikibahagi sa pinagtatalunang parte ng karagatan sa South China Sea.
Ayon sa bansang China, ang mga outposts ay gagamitin para sa aktibidades ng kanilang militar at mga pangangailangang gaya ng maritime search at rescue, disaster relief at navigation.
HINDI KAYA napapanahon na para muling ibalik ang mga base militar ng U.S. dito sa Pilipinas? Ang mga bahagi ng karagatan ng Pilipinas na inaagaw ng bansang China ay hindi naman dati naging problema noong nandito pa ang mga US Bases. Ang ibang bansa sa Asya ay nagbabayad pa sa U.S. para magtayo lamang ang U.S. ng military bases sa kanilang bansa.
Sa tinghin ko ay mas magiging madali para sa ating bansa ang muling pagbuksan ng pinto ang mga Amerikanong sundalo. Karaniwan naman sa ibang bansa ang mga kasong nagsasangkot sa mga dayuhang sundalo na bahagi ng military base. Kailangan lang siguro na mas paigtingin lang ng mga lokal na pulisya ang kanilang serbisyo upang mabantayan nang husto ang mga taong nakatira malapit sa base militar.
Mas kinakailangan kasi ngayon ng buong bansa ang malawakang suportang militar ng U.S. at magagawa lang ito kung muling ibabalik ang mga base militar dito. Sa kasalukuyan ay hindi tayo dapat umasa sa proyekto ng gobyerno na modernization ng AFP. Tiyak na aabutin tayo ng siyam-siyam bago pa ito mangyari.
SI GAZMIN ay humingi ng tulong sa visiting US Pacific Commander para protektahan ang pag-transport ng mga bagong Pilipinong sundalo, pagkain, at kagamitan para sa mga isla na mayroong command post ang Pilipinas.
Ang pagpapalipad ng eroplanong pandigma ng U.S. ang naging estratehiya nila upang hindi na sila gambalain ng mga malalaking Chinese military coast guard at navy. Matatandaang ilang beses na pinigilan at tinakot ng mga sundalo ng China ang mga sundalong Pilipino na nagdadala ng supply para sa mga sundalong nagbabantay sa ating mga inookupahang isla.
Makailang ulit na ring nagprotesta ang Pilipinas sa ginagawang harassment ng mga sundalo ng bansang China ngunit nagtetengang-kawali lamang ang China. Hindi rin nais ng China na mag-participate sa ginagawang pag-aayos ng United Nations sa ilalim ng isang Peace Tribunal Council. Kaya naman tila wala nang ibang paraan para pigilan ang China sa kanilang ginagawa kundi ang makipag-isa muli sa U.S. sa pamamagitan ng pagbabalik sa mga military bases nila.
Kung maibabalik ang military base ng U.S ay magiging regular na ang pagbabantay ng U.S. kasama ang mga sundalong Pilipino sa mga baybaying dagat ng Pilipinas. Gayun din, malimit na nating mababantayan, gamit ang mga sopistikadong eroplano ng U.S., ang ginagawang pagpapalawak ng China. Kung hindi natin ito gagawin ngayon, baka isang araw sa ating pagmulat ay sinakop na tayo ng China.
Makinig at manood ng Wanted Sa Radyo 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay naka-simulcast din sa 101.9 FM sa Cebu at Davao. Sa Cagayan de Oro ito ay kasabay na napakikinggan din sa 101.5 FM at sa 97.5 FM naman sa General Santos City. Samantalang sa Bacolod City naman ay sa 102.3 FM.
Ang inyong lingkod ay mapanonood din sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.
Mapanonood din ang inyong lingkod sa T3: Alliance sa TV5 tuwing Sabado, 4:30-5:00 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6833.
Shooting Range
Raffy Tulfo