ISA SA pinakainaabangang sports category taun-taon sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) ay ang men’s basketball. Noong nakaraang taon o ang UAAP ‘76 ay gumawa rin ng kasaysayan dahil sa unang pagkakataon sa matagal na panahon, natanggal sa Final 4 ang mahigpit na kalaban na Ateneo De Manila University. Naudlot din ang kanilang 5-peat championship titles. Pinag-usapan din nang husto ang pagsabak ng nakababatang kapatid ni Jeric Teng ng University of Santo Tomas na si Jeron Teng sa UAAP Basketball bilang player ng De La Salle University. At mas naging mainit pa ang UAAP ‘76 nang naglaro sa finals ang UST at DLSU kung saan naging magkalaban din ang Teng brothers. Tinaguriang kampeon din ang DLSU.
Ibahin n’yo naman ang UAAP Season ‘77 ngayon taon. Ito ay dahil kakaiba naman ang hatid nito. Ang madalas ding nasa Final 4 na UST ay maagang namaalam sa season. At ang natanggal noong nakaraang taon na ADMU ay nagbabalik at nangunguna na sa ranking. Talaga nga namang makikita ang kanilang pagkauhaw sa panalo at gigil na maibalik ang championship title sa kanila. At kahapon nga lang, nakumpleto na ang UAAP Season ‘77 Men’s Basketball Final 4 cast nang talunin sa do or die match noong Setyembre 20 ng National University ang host school ngayong taon, University of the East sa iskor na 49 – 51.
Kahit pa wala na si Bobby Ray Parks sa koponan ng NU, pinatunayan nila na kaya nilang makapasok sa Final 4 nang wala siya. Naging mahigpit man ang laban nila sa UE noong Sabado, sila pa rin naman ang nagwagi. At iyon ang mahalaga. Noong may 12.4 pang segundo ang nalalabi, naipasok ni Alfred Aroga ang dalawang free-throws at siyang naging dahilan ng kanilang pagkapanalo at pagkakaroon ng siguradong spot sa Final 4.
Sabi nga ni Eric Altamirano, head coach ng NU Bulldogs, ang larong iyon ay ang kanilang pinakamalaking laban sa season ngayon at ang dalawang free throws na iyon ay hindi lang basta-basta free throws dahil ito ang pinaka-crucial na free throws sa larong ito.
Sa mga unang minuto din ng 4th quarter, lamang ng ilang puntos din ang UE nang naipantay ito ni Chris Javier ng NU sa iskor na 49 na may 37. 9 na segundo na lang ang natitira. Mas naging intense ang laban pati ang mga nanonood. Kadalasan sa mga ganitong pagkakataon, ibinibigay na ng mga NU players ang tira sa kanilang star player na si Ray Parks pero wala na silang Parks noon kaya talaga nga namang naging crucial ang ilang sandali ng 4th quarter para sa kanila lalo na’t may baong Sumang ang kabilang team, ang UE.
Pero tama nga si Coach Altamirano, dalawang malalaking free-throws ang nagpabago sa kapalaran ng NU dahil ito ang nagpanalo sa kanila.
Kaya naman matinding round na naman ang aabangan sa pagtatapat-tapat ng Final 4 ngayong season. Anong unibersidad ang magwawagi? ADMU? FEU? DLSU? o NU? ‘Yan ang dapat nating abangan.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo