TINANGHAL NA naman sa pangalawang pagkatataon na kampeon ang National University sa katatapos lang na UAAP Cheer Dance Competition na ginanap sa Araneta Coliseum noong Linggo, Setyembre 14.
Back-to-back champion, ‘ika nga ang NU. Kahit pa wala na sila sa kanilang homecourt, pinatunayan nila na wala sa lugar ‘yan kundi nasa grupo talaga. Mula sa costume pa lang nila na talaga namang namangha na ang mga manonood. Ramdam na ramdam talaga ang temang Native American sa kanilang naggagandahang costume, make-up at props.
Ang kanilang routine at execution ay suwabe sa linis. Walang laglag, sabay-sabay pa. Samahan mo pa ng mga stunts na napakahirap, nagtataasan at nagdaramihang pag-tumbling, naghihirapan na mga pyramid at nakagugulat na exhibitions. Walang kaduda-duda, mauuwi ulit nila ang korona ng UAAP Cheer Dance Competion 2014 Champion.
Nasungkit naman ng University of the Philippines ang ikalawang puwesto. Pangalawang taon na sunud-sunod na nga silang nasa ikalawang puwesto. Pero kahit hindi man nila nasungkit ang kampeonato, nakuha naman nila ang palakpak, simpatya at suporta ng mga tao. Bakit? Dahil sa tema nila na Bahaghari at pantay-pantay, pinatunayan nila na hindi lang sila sumasayaw para manalo kundi para manindigan sa isang advocacy: ang pagkapantay-pantay ng lahat o equality.
Pagpasok pa lang ng mga UP dancers, kapansin-pansin ang halos pagiging magkakamukha ng bawat isa mula sa maskulado na pangagatawan kahit mga babae, sa pantay na gupit ng buhok, sa kulay ng buhok, ramdam na agad ang pagkapantay-pantay. Maganda rin ang routine at execution ng UP ngunit hindi ito sing-linis at sing-perpekto ng sa NU. Pero binigla naman tayo ng UP sa mga mahihirap na formations na kanilang binuo lalo na nang binuhat ng kababaihan ang kalalakihan.
Sa unang pagkakataon, ngayon lang tayo nakakita sa kasaysayan ng UAAP CDC na binuhat ng kababaihan ang kalalakihan. Pinatunayan nila na sa panahon ngayon, mahalaga ang pagkapantay-pantay ng bawat isa at lahat ng tao. Masasabi na sobra-sobra pa sa isang sayaw ang ipinakita ng UP. Dahil hindi ito basta-basta, minulat din nila sa katotohanan ang lahat.
Matapos naman ng ilang taong paghihintay, muling nakabangon ang University of Santo Tomas Salinggawi Dance Troupe sa CDC. Marami ang naghihintay sa pagbabalik nila dahil matagal-tagal na rin nang huli silang nanalo lalo pa’t gumawa ng kasaysayan ang UST sa dami ng championship titles na napanalunan. Kapantay nila ang UP na may walong titulo. Napapalakpak ng Salinggawi Dance Troupe sa umpisa pa lang ng kanilang performance lalo na sa pagbuo ng mga formation na may magagandang illusions at effects sa mga manonood. Nagamit din nila nang maganda ang kanilang mga props at mararamdaman mo talaga ang mala-Chinese na kanilang tema. Napanalunan nila ang ikatlong puwesto at inaasahan na ito na ang simula ng kanilang muling pagbangon.
Para naman sa Group Stunts Category, tinanghal sa unang puwesto ang Far Eastern University na sinundan ng University of Santo Tomas at National University.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo