NOONG SABADO lang, ika-12 ng Hulyo, ginanap ang opening ceremony ng UAAP Season 77 na may temang Unity in Excellence. Sa lahat ng mga unibersidad na kalahok, punong abala ang University of the East bilang sila ang host school ngayong taon. Ang nasabing opening ceremony ay idinaos sa Smart Araneta Coliseum.
Ang University Athletic Association of the Philippines ay taunang nilalahukan ng walong unibersidad sa bansa. Ito ang Ateneo De Manila University, De La Salle University, University of Santo Tomas, University of the Philippines, University of the East, Adamson University, National University at Far Eastern University. Sila ay magtutunggali sa 15 sports category.
Kaya naman pinakaaabangan talaga ang taunang UAAP Season dahil sa nakapananabik na pagtutunggali ng walong unibersidad para makuha ang general championship title. Kapag UAAP Season na naman, mauuso riyan ang pagsusuot ng university shirts habang buong puso at taas-noong pinagmamalaki ang kanilang koponan! Maririnig din ang mga naglalakasang cheer ng mga mag-aaral ng bawat paaralan. Nariyan din ang mga iba’t ibang pakulo ng mga grupo ng mga bagets para lang mapansin ng kanilang mga crush sa court. Hindi rin mawawala riyan ang naghahabaang pila sa bilihan ng mga ticket.
Noong Sabado nga, sa unang dalawang laro pa lamang sa men’s basketball category, punung-puno ng mga taga-suporta ang Smart Araneta Coliseum. Dalawang pares ng unibersidad agad ang naglaban para makuha ang unang panalo. Ito ay ang University of the East, ang host school laban sa University of the Philippines at De La Salle University, ang kampeon noong nakaraang taon, laban sa Far Eastern University.
Sa unang round ng University of the East versus University of the Philippines basketball match, ang malaking panalo ay nakuha ng host school sa iskor na 87-59. Sa unang quarter nga para bang UP ang magwawagi dahil sa galing at bilis na kanilang ipinamalas. Ngunit, inagapan na agad ito ng UE na magtuluy-tuloy kaya naman sa second quarter, inangkin na nila ang bola at dito sila nakalamang nang husto. Si Dan Alberto ng UE Red Warriors ang star player ng laro dahil 15 na malalaking puntos ang kanyang naiambang. Pero lahat naman ng 14 na player ng nasabing team ay nakapuntos din kaya naman masasabi mo talagang team effort ito!
Para naman sa second game na De La Salle University versus Far Eastern University, pinakaabangan din ito dahil alam naman ng lahat na Green Archers ang nagkamit ng kampeonato noong nakaraang taon. At dahil din alam nilang isang magiging magandang laban ito dahil kitang-kita na ang pagkauhaw sa panalo ng Tamaraws. At napatunayan nga ito sa unang round ng laro dahil natalo ng FEU ang nakaraang taon na kampeon na DLSU sa iskor na 82-77. Malaking panalo ito para sa FEU Tamaraws dahil nasungkit nila ang unang panalo nang wala ang kanilang dalawang star players na kinakatakutan ng ibang teams, sina RR Garcia at Terrence Romeo.
Nakapananabik din ang susunod pang mga laro hindi lang sa larangan ng basketball kundi sa iba pang 14 na sports category dahil lahat ng mga player ay talaga nga namang gustong masungkit ang karangalan para sa kanilang kamag-aral at lalung-lalo na para sa kanilang mahal na unibersidad.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo