MATAPOS ANG kalbaryong pinagdaraanan ng mga commuter sa tuwing sasakay sa MRT, ang haba ng pila sa terminal ng sakayan ng jeep, ang pangongotong ng mga mga kapalmuks na pulis sa kalsada, ang pagpapatong ng dagdag na singil ng mga taxi driver at ang bagsik ng init ng araw sa tanghali, aba… aba… aba, para bang to the rescue ang pagdating ng ala-super hero na Uber na may tagline na “Everyone’s Private Driver”.
Ano nga ba ang Uber? Para rin ba itong Easy Taxi o Grab Taxi na pamilyar tayo? Ang Uber ay para ring Grab Taxi at Easy Taxi na may twist! Ganoon din naman ang alituntunin sa Uber. Kailangan ding i-download ang App, i-declare ang lokasyon at hintayin na may sumagot sa iyong driver. Nasaan ang twist sa Uber? Yamanin lang naman ang Uber dahil mga mamahaling sasakyan gaya ng Porsche, Mercedez Benz, Toyota Camri, Montero, Mini Cooper, Fortuner ang susundo sa iyo kasama ang personal driver ng nasabing sasakyan. Ito ay mga pribadong sasakyan na pinahihiram lang ng may-ari. Kinakailangan din ang bawat gagamit ng Uber ay may credit card dahil ito ang gagamitin bilang pambayad. Ang sossy, ‘di ba!
Pagka-download mo ng app na Uber, kinakailangan mong mag-register at ilagay mo ang iyong credit card number. Sa promo code, i-enter ang promo code ng kakilala na may Uber na. Sa ganoong paraan, may automatic na libreng 300 credits ka na at ang taong pinaggamitan mo ng promo code.
Kapag nagpi-pin ka ng location, mapapansin mo na may Uber X at Black Car na pagpipilian. Ang Uber X ay ang mga maliliit na pribadong sasakyan gaya ng Toyota Vios. Mas mura ang singil nito kaysa sa ordinaryong taxi. Ang Black Car naman ay mga bigtime na sasakyan gaya ng Starrex, Mini Cooper at Montero. Mas may kamahalan ang singil dito.
Ang Uber din ay nagdadagdag ng singil depende sa senaryo. Halimbawa, bumabagyo o kaya sobrang traffic. Ito ay ang tinatawag nilang “surge charge”. Pinakamaliit na surge charge ay 1.3x at ang pinakamalaki naman ay x3. Nangyayari ito kapag peak hours. Nasa sa ‘yo rin naman kung kakagatin mo ang surge charge dahil ‘di rin naman magtatagal, mawawala na rin naman ito at babalik na sa normal na singil.
Ang kinagandahan pa sa Uber, patas at pantay-pantay ang driver at ang pasahero. May kakayahan silang bigyan ng service rating ang bawat isa. Halimbawa, kung ikaw ay masaya sa serbisyong ibinigay ng iyong driver, bigyan mo ng 5 stars. Kung may hindi ka magandang engkwentro sa kanila, 1 star naman. Ang driver na makakakuha ng tatlong 1 star na rating ay maaaring tanggalin sa trabaho ng operator. Ganu’n din naman ang driver, kapag inabuso sila ng pasaherong sakay, puwede rin silang magbigay ng 1 star. Kapag nakatatlong 1 star ang pasahero, may bad impression na sa kanya ang Uber at maaaring hindi na siya pasakayin ng kahit ano pang Uber car. ‘Di ba, quits lang?!
Mabuti naman hindi na rin tayo nagpahuli sa ibang bansa at may Uber na rin sa ‘Pinas. Sana lang, makita ng LTFRB ang ginhawang nadudulot ng Uber. Imbes na batikusin ito at multahan ng P200,000, i-develop na lang ito nang husto dahil hindi naman katanggi-tanggi na sa Uber, mas nabibigyan ng importansya ang kaligtasan at kalagayan ng mga commuter.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo