KUNG KAHARAP ko si Davao City Vice-Mayor Rodrigo Duterte, bibigyan ko siya ng high five. ‘Di dahil sang-ayon ako sa kanyang pinag-uutos. Kundi dahil bilib ako sa pagka-makathang-isip ng kanyang utos. Ngayon, nasa gitna siya ng isang nag-aapoy na kontrobersiya.
Nag-ugat ito sa diumano’y pagdawit ni Ryan Chua, isang kilalang bigtime carnapper sa kanyang anak, Jojo, sa mga carnapping na nangyari sa lungsod. Natural umusok at nagwala sa galit si Duterte na lubos na pinabulaanan ang paratang. Kasabay ang ‘sang kontrobersiyal na utos.
Pabuyang P2-M kung sino ang makakuha kay Chua nang buhay; P3-M kung mahuhuli siya nang patay; at P5-M kung ang pugot na ulo niya’y maibibigay sa isang plato.
Natural, nag-apoy ang balita.
May bigla akong naalaala sa Banal na Aklat. Ipinangako ni Herod sa kanyang kalaguyo, Bethsaba, na napagsayaw niya ang anak ng huli, Salome, ay ibibigay nu’ng una kahit anong hilingin. Hiniling ni Salome ay ang putol na ulo ni St. John the Baptist na nakalagay sa isang plato. Ayon sa Aklat natupad ito. Paano ito naisip ni Duterte ay ‘di kataka-taka. Siya ay very efficient at strict local executive na kinatatakutan – at iginagalang – ng mga bad element sa kanyang lalawigan. Human rightists ay kinokondena ang diumano’y salvage method niya laban sa mga pusakal na kriminal. Ngunit wala pang napatunayan.
May humahanga at bumabatikos sa kanya. Ngunit tila wala siyang pakialam. Ang Davao City ay crime-free simula nang siya’y namuno. Kagaya ni Puerto Princesa Mayor Edward Hagedorn.
Ewan natin kung sino ang makadya-jackpot ng P5-M pabuya na ito ni Duterte na manggagaling sa campaign funds niya. May salbahe akong suhestiyon. Sana’y samahan ang putol na ulo ng sarsa ni Mang Tomas. Joke, Joke!
SAMUT-SAMOT
AYON AKO sa obserbasyon na ‘di na dapat patulan ng Malacanang ang bawat patutsada ni impeached SC CJ Renato Corona. Marami silang dapat asikasuhin kaysa pumatol pa kay Corona na naghahanap lang ng atensiyon. Passe, irrelevant na si Corona sa current Philippine affairs. Mga utak na nakapaligid kay P-Noy ay mag-isip-isip naman.
‘DI KO malaman ang papel ni Communications Sec. Ricky Carandang. Lalo na ang papel ni Asst. Sec. Manolo Quezon. Pampagulo? Si Carandang ay laging pasunud-sunod lang kay Pangulo. Parang security blanket. ‘Di nakatutulong sa effective communication ni P-Noy sa publiko. Nakagugulo pa. At si Sec. Sonny Coloma? Maraming plano sa pagsasaayos ng government-controlled TV at radio networks. Ngunit kahit isa wala pang natutupad. Tingnan natin bilang ehemplo ang Channel 4. Hanggang ngayon nakalubog pa for lack of quality competitiveness. Mga empleyado nag-aalburuto sa liit ng suweldo at iba pang privileges. Ganyan na lang ‘yan hanggang dumating ang 2016.
ISANG INQUIRER columnist ay super-sipsip sa pagtatanggol kay P-Noy. Very predictable ang mga columns: ipagtanggol si P-Noy right or wrong. Magkano, sir? Ganito rin ang isang Star columnist, a heavyweight. Wala nang makitang ipuna sa Pangulo. Nu’ng panahon ni GMA, rabid anti-GMA. Ok, alam ko na. Kumokolekta siya ngayon. Inggit lang kayo.
SA KALAGITNAAN ng Enero, political fireworks na. Sa February kasi ang official campaign start. Ngayon pa lang, may mga political killings na nagaganap. Ang kahuli-hulihan ay ang pag-ambus sa Mayor ng Pili, Camarines Sur. Sa Batangas may dalawa ring konsehal ang pinaslang. Dapat mayroong political will si DILG Sec. Mar Roxas para mabuwag ang political warlords. Sila ang puno’t dulo ng political killings. Ngunit may maaasahan ba tayo sa kanya?
MALAKING SAKIT ng ulo ng kapulisan ang riding-in-tandem kriminals.Wala pa silang solusyon dito. Araw-araw may nabibiktima ang mga kriminal na ito. Balita ko, mga guns for hire sila kahit sa maliit na halagang limang libo kada ulo. Higpitan ang inspeksyon sa mga nagmo-motorcycle lalo na sa gabi at bago mag-umaga. Ganitong panahon sila nag-o-operate.
MAY ISANG sikat na bakla sa isang dambuhalang TV network ang tunay na nakakasuka. Ewan kung bakit maraming natutuwa sa kanya. Mga malaswa at corny jokes ang inalalako sa kanyang shows. Bakit ganitong kultura ang pino-promote ng istasyong ito?
DAHIL SA isang biglaang dahilan, na-miss ko ang oportunidad na makita ang imahe ni San Pedro Calungsod na galing sa Roma. Malamang ‘pag ako’y nagkaroon ng pagkakataong magtungo sa Cebu City. Doon palagiang ilalagak ang imahe. Habang minumuni-muni ko ang maikling buhay ng santo, lalong tumitibay ang aking lakas at pananampalataya. Labing-apat na taon nun’g siya naging martyr sa ating pananampalataya. Mahigit 400 taon na ang nakalilipas. ‘Di ba kayo nagtataka kung bakit recorded ang event ng martyrdom? ‘Di ba may isang makapangyarihang Kamay ang gumalaw rito?
PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez