Mistulang variety show na ang tingin namin sa paborito pa naman naming morning show na “Umagang Kay Ganda (UKG)”. Balak yata ng humahawak ng show na ito na gawing parang “It’s Showtime” o “ASAP” ang kanilang morning show.
Ilang araw na naming napapansin sa tuwing panonoorin namin ito na lagi na lang may sayawan ang UKG, na kung minsan ay may showdown pa ng mga grupo. Kaya naman ang tendency ay ilipat namin ito sa kanilang katapat na show. Dahil mas gusto namin ang makapanood ng balita sa nangyayari sa bansa kaysa manood ng indakan sa dance floor na napanonood na sa mga noontime shows ng ABS-CBN.
Ito rin ang napapansin ng iba pa naming kapatid sa panulat na lumilipat na rin sa katapat nitong palabas. Mas maganda ‘yung dati nilang format na nagbibigay impormasyon sa mga kaganapan sa bansa na talaga namang tututukan at panonoorin mo.
Okey lang sana kung isang beses. Kaso napadadalas na, imbes na magbigay na lang ng balita. Kung sino man ang may pakana nito, nawa’y magising sa katotohanan na marami na ang naglilipat ng channel dahil sa pagbabago nito ng format na animo’y isa nang dance show/ variety show.
Tsika nga ng isang kapatid sa panulat na ibigay na lang ang showdown at sayawan sa mga noontime shows, dahil sila naman ang variety show at magbigay na lang ng kapaki-pakinabang na news patungkol sa bansa para mas kaaya-aayang panoorin ang “Umagang Kay Ganda” at nang hindi lumipat sa katapat nitong show ang kanilang loyalistang tagapanood.
John’s Point
by John Fontanilla