ANG PANIWALA ko ay iilan lamang ang nabibigyan ng pagkakataon na magsulat sa diyaryo, mag-brodcast sa radyo o mapanood sa telebisyon. Maituturing na pinagpala ang mga nilalang na ito dahil mayroon silang outlet na ilabas ang saloobin at ipaalam sa tao ang mga nangyayari sa paligid sa pamamagitan ng kanilang isinusulat sa mga pahayagan at ibinabalita sa radyo at telebisyon. Kaya naman ang swerte ko at dahil nabigyan ako ng pagkakataon na maging Pinoy Parazzi upang makipagkwentuhan sa mga kababayan natin sa iba’t-ibang panig ng daigdig.
Unang Kuwento:
Mang Erning: Ano ba naman sa bansa natin, malayo pa ang eleksiyon pero kabilaan na ang patutsadahan ng mga pulitiko.
Mang Rudy: Ikaw naman Pare Erning, hindi ka na nasanay pa sa atin. Alam mo naman kanya-kanyang dakma sa limelight ngayon dahil gusto nilang mapag-usapan para hindi makakalimutan ng tao pagdating ng halalan.
Mang Ruben: Idagdag mo pa diyan parekoy ang kanya-kanyang ungkatan ng baho at batuhan ng putik ng bawat isa.
Mang Virgilio: Tama kayong lahat diyan mga parekoy. Ang sa akin naman ay ang tila kultura nang pagoober da bakod ng mga kandidato. Noong nakaraang eleksiyon magka-away sila, ngayon naman ay magkakasama sila sa partido.
Pinoy Parazzi Buddy: Aba e makasingit na nga. Alam niyo mga manong, mga kuyang, kalakaran na yan sa ating bansa. Eleksiyon man yan sa Panguluhan o Barangay election ay pare-pareho ang nangyayari. Ang mga tinatawag na “political butterflies” ay aasahan mo ng lilipat yan sa mas matunog at lamang na partido. Pinatutunayan din nito ang kasabihan na “there is no permanent enemy and friend in politics.” Sa nangyayari ngayon sa pulitika sa Pilipinas, natural lamang na idiin ng husto si Vice-President Binay dahil siya ang pinakamalakas sa survey at pinakamatunog na kandidato sa pagka-Presidente sa susunod na eleksiyon. Sa kasalukuyang administrasyon, may matunog ba?
Mga Ka-Pinoy Parazzi, yan lang muna ang ating pambungad na kuwentuhan subalit asahan po ninyo ang mas marami pang huntahan ukol sa samu’t saring isyu sa UK, Pilipinas o saan man sa mundo.
Hanggang sa susunod po na edisyon ng ” KUWENTUTAN “
Maari rin pong mapakinggan si Buddy B sa Radyo Pilipino UK OPM 24/7 sa internet (www.radyopilipinouk.com ). JL/BB
Kwentutan
(Kwentuhan at Harutan)
By Buddy Bernardino