ATING GINUGUNITA ang Mother-Baby Friendly Hospital Initiative Week dito sa ating bansa tuwing unang linggo ng Agosto kung saan ay binibigyang-halaga ang kalusugan ng bagong panganak na sanggol at ng kanyang ina sa pamamagitan ng paglalaan ng maayos na serbisyo at pasilidad sa kanilang pamamalagi sa ospital.
Hindi po ba kay sarap pagmasdan ang mga sanggol sa piling ng kanilang mga ina? Malaki ang papel ng ating gobyerno sa pagtangkilik sa mga programang pangkalusugan lalo na sa ating mga ina at sanggol.
Alam ba ninyo na una itong ipinatupad noong 1991 ng World Health Organization (WHO) at ng United Nations Children’s Fund (UNICEF) at kinilala ito bilang Baby Friendly Hospital Initiative (BFHI)? At dahil isinulong din sa Pilipinas ang pagpapatupad nito, ang Mother-Baby Friendly Hospital Initiative o MBFHI ay inilunsad ng Department of Health alinsunod sa Republic Act 7600 na tinawag na Rooming-in at ang Breastfeeding Act of 1992. Ayon sa nasabing batas, upang maging ganap na Mother-Baby Friendly ang isang ospital, kinakailangang maayos ang pasilidad nito at nagpapakita na sila ay nagpapatupad ng sampung hakbang sa matagumpay na breastfeeding.
Kabilang sa mga hakbang na ito ay ang; [1] pagsusuporta sa mga ina sa “breastfeeding” upang mabigyan ng isang malusog na anak ang bawat nagpapasusong ina mula sa unang oras nang pagkabuhay hanggang maipagpatuloy ang pagpapasuso sa anak hanggang sa ikaanim na buwan nito; [2] Pagkakaroon ng ‘breastfeeding policy’ para sa kasanayan ng mga health care staff; [3] Wastong pagtuturo sa mga ina sa tamang pagpapasuso at kung paano pananatilihin ang gatas sakaling mahihiwalay sila sa sanggol; [4] Hayaan ang sanggol na makapiling ang kanyang ina sa loob ng 24 oras araw-araw; [5] Bigyan agad ng breastmilk ang bagong panganak na sanggol lalo pa ang buting maidudulot ng colostrum; at [6] Iwasan ang pagbibigay ng mga artipisyal na “teat” at infant milk formula.
Kaakibat din nito ay ang pagsuporta sa kampanya ng DOH, ang “Unang Yakap 4 & 5” na humihikayat sa lahat ng sektor ng ating lipunan partikular sa larangan ng kalusugan, mga indibidwal at organisasyon, at mga magulang at kanilang pamilya, upang sundin at seryosohin ang Essential Newborn Care (ENC) Protocol tungo sa maganda at malusog na pangangatawan ng mga bagong silang na sanggol.
Ano ba itong ENC Protocol? Ito ay isang malinaw at detalyadong gabay para sa ating mga health workers, medical practitioners at health care providers na inilabas ng DOH upang ipatupad sa ilalim ng Administrative Order No. 2009-0025 at upang mabawasan ang neonatal deaths. Isang istratehiya na masasabing napakahalaga sa kalusugan ng mga sanggol magmula sa paglilihi at pagdadalang-tao ng ina hanggang sa panganganak at maging sa post-natal period nito.
Nakapaloob dito ang step-by-step interventions na mahalagang maisagawa matapos ang panganganak. Una, ang immediate drying o kagyat na pagpapatuyo sa katawan at mukha ng sanggol gamit ang malinis na sapin matapos itong mahugasan pagkalabas sa sinapupunan ng ina. Ikalawa, ang uninterrupted skin-to-skin contact ng ina sa kanyang sanggol upang madama ang init at agad na ma-proteksyunan ang sanggol. At ang ikatlo ay ang proper cord clamping at cutting mula isa hanggang tatlong minuto upang labanan ang kaso ng anemia o intraventricular hemorrhage sa mga pre-term newborn.
Ayon sa National Demographic Health Survey, bagama’t umabot na sa 53.5% ng mga ina ang tumugon sa pagpapasuso sa kanilang sanggol sa loob ng isang oras mula ng ito ay maisilang, nais pa rin ng DOH na umabot pa ito sa 90% sa 2016. Kabilang ang Pilipinas sa pagkakaroon ng high breastfeeding rate batay sa ulat ng WHO upang makamit ang Millennium Development Goal na pababain ang insidente ng child mortality dito sa bansa.
At dahil kaagapay ninyo ang PhilHealth sa pagpapalaganap ng adbokasiya tungo sa maternal and child health, bukod sa mga pampubliko at pribadong ospital ay hinihikayat din ng PhilHealth na maging Maternity at Newborn Care Provider ang mga rural health units, health centers, lying-in clinics, birthing homes o midwife-managed clinics.
Hindi biru-biro ang pagbubuntis at panganganak dahil nagdudulot ito ng ibayong panganib sa buhay ng mag-ina lalo kung hindi tamang pag-alaga ang idinulot sa ina at sanggol sa kanyang sinapupunan. Tandaan, dapat ay manganak lamang sa isang PhilHealth-accredited facility upang siguruhing ligtas ang mag-ina. Nakaaalarma pa rin ang ulat mula sa United Nations na noong 2013, mayroong 11 Pilipinong kababaihan pa rin ang namamatay kada araw dahil sa pagbubuntis o panganganak na may halong kumplikasyon tulad ng hemorrhage, hypertension at sepsis.
Katuwang ng DOH ang PhilHealth sa pagpapalaganap ng impormasyon tungo sa pagkuha lamang ng mga skilled at trained midwives, doctor at nurses para ligtas na mailuwal ng mga ina sa kanilang sinapupunan ang kanilang mga anak. Hinihikayat din ang mga Local Government Units na ayusin at pagandahin pa ang kanilang healthcare facilities nang sa gayon ay maaaring makamit ang benepisyo ng PhilHealth para sa Maternity Care Package mula pre-natal hanggang post-natal sa halagang P8,000 sa mga non-hospital facilities at Level 1 hospitals at Normal Spontaneous Delivery naman sa halagang P6,500 sa mga accredited lying-in facilities at P5,000 sa Levels 2 to 4 hospitals.
Patunay lamang na ganap ang suporta ng PhilHealth sa “Unang Yakap” campaign ng DOH dahil kaakibat din nito ang Newborn Care Package para sa mga sanggol na may karampatang benepisyo sa halagang P1,750 kung saan kabilang sa package nito ay ang newborn screening at hearing tests, physical examination, gayundin ang essential newborn care gaya ng eye prophylaxis, Vitamin K administration, BCG vaccination, first dose of Hepatitis B immunization, at payo sa wastong pagpapasuso sa sanggol. Dagdag pa rito ang pagkolekta ng blood samples upang agarang masuri kung positibo sa Maple Syrup Urine Disease o MSUD ang sanggol.
Sa ngayon, may kabuuang 443,303 ang bilang ng claims na binayaran ng PhilHealth para sa Newborn Care Package na may RVS code 99432 o may katumbas na halagang P703,486,420 para sa taong 2014.
Para sa karagdagang tanong tungkol sa paksa natin ngayon, tumawag sa aming Call Center sa (02) 441-7442, mag-email sa [email protected], o mag-post ng komento sa aming Facebook page, www.facebook.com/PhilHealth. (
Sources: CIA World Factbook as of June 30, 2015; Inquirer.net, Aug. 22, 2014; www.doh.gov.ph; www.newbornscreening.ph; 2014 CorPLan/Task Force Informatics
Alagang PhilHealth
Dr. Israel Francis A. Pargas