TINGNAN MO nga naman, papatak ng Sabado at Linggo ang November 1 at 2. Hindi pa idineklara ang katapusan ng Oktubre bilang holiday. Walang long-weekend tuloy. Lalo na sa mga nagtatrabaho, paniguradong nalungkot ‘yan kahit papaano dahil nga pumatak ng weekends ang mga importanteng araw sa buhay nating lahat. Sagad-sagad na naman.
Ang dami rin talagang nagaganap kapag papalapit na ang Undas. Nariyan ang hindi magkandaugaga sa paghahanap ng costume para sa Trick or Treat. Lalo na sa mga chikitings, patok na patok ang Halloween Party. Sila ba naman ang nakae-enjoy nang husto ng mga candies at chocolates na ipinamimigay. Papasok din diyan ang mga sunud-sunod na showing ng mga horror films. Sinimulan na nga ng Maria Leonora Teresa, Anabelle, Dementia, Dilim at marami pang iba. Nauuso rin sa telebisyon ang pagpapalabas ng mga dokumentaryo at balitang kababalaghan.
Naalala ko, pati ang mga kapwa ko bagets na Batang 90’s, inaabangan natin ang Magandang Gabi Bayan kung saan sila nagpapalabas ng mga nakakikilabot na dokumentaryo kada Sabado. Takot na takot na nga tayo nu’n, pero pinapanood pa rin natin dahil nahihiwagaan nga tayo sa misteryong bumabalot sa mga kuwentong ipinalabas. Nagiging trending din ang mga horror mazes kapag Undas gaya na lang mga horror houses sa Enchanted Kingdom at Star City.
Iilan lamang ‘yan sa mga nagiging hit kapag sasapit na ang Undas. Pero alam n’yo ba na mali ang nakasanayan natin? Dapat ngang baguhin ito dahil napapasa-pasa lang sa mga susunod na henerasyon ang mga maling kinagawian natin.
Una, parte na talaga ng buhay ng tao ang pagdaraos ng Halloween party. Effort kung effort pa nga ang labanan pagdating sa pag-decorate ng pangyayarihan ng party, at effort din sa costume. Kaya nga lang, madalas na puro katatakutan ang pinipili nating character, ‘yung tipong may dugo-dugo pa. Ayon sa Simbahang Katoliko, hindi dapat gano’n at dapat mga mabubuting character ang ating isinasabuhay gaya ng anghel.
Pangalawa, kapag Undas hindi dapat mga masasamang elemento ang pumapasok agad sa ating isipan. Dahil mga mahal natin sa buhay na namayapa ang ating ginugunita. Kung minsan kasi, mas nauuna pa nating isipin na may mga multo sa paligid kaysa ang mga mahal natin sa buhay na kasama na ng ating Diyos sa langit.
Pangatlo, huwag na huwag nating bansagan na Araw ng mga Patay ang November 1 dahil ito ay Araw ng mga Santo. Dapat, kasama rin sila sa ating pinagdarasal. Sa pagsapit naman ng ikalawang araw ng Nobyembre, dito dapat tayo dumadagsa sa mga sementeryo kung saan nakahimlay ang mga mahal natin sa buhay na pumanaw na dahil ito talaga ang araw na itinakda para sa kanila. Sa nakasanayan kasi natin, bibisitahin natin sila sa November 1 tapos hindi na natin sila dadalawin kinabukasan.
Sa pagdalaw naman natin sa sementeryo, huwag namang gawing picnic ito. Wala namang nagbabawal sa atin na kumain, pero siguraduhin na panatilihing malinis ang kapaligiran. Sumunod sa mga patakaran. Huwag pasaway. Hindi iyon lugar para mag-inuman, magsugal at maglaro.
Kaya ngayong Undas 2014, sikapin na sumunod sa mga dapat na alituntunin para sa mga susunod na taon, maling kinagawian ay unti-unti nang maitutuwid sa tama.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo