AS OF WRITING ay nangunguna pa rin sa takilya ang pelikulang ‘The Mall, The Merrier’ na pinagbibidahan ni Vice Ganda with Anne Curtis. Ito ang kauna-unahang collaboration ng dalawang It’s Showtime hosts at biggest stars ng Kapamilya network. Hindi maiiwasan na mataas ang expectations ng madlang pipol.
Sa totoo lang, ito ‘yata ang pinaka-underwhelming na pelikula ni Vice Ganda in the past years na nagre-reyna siya sa MMFF. Kung noon ay halos mapagulong kami sa Praybeyt Benjamin franchise, Boy Girl, Bakla, Tomboy at Beauty and the Bestie, sadyang nag-deteriorate na ‘yata ang prowess ng creative team ng mga tao sa likod ng mga pelikula ni Vice simula nang namayapa si Direk Wenn Deramas. Noon kasi, kahit sabihin man ng mga feeling alta na ‘baduy’ ang mga pelikula ni Vice ay nakakatawa naman ito o di kaya’y mapapa-‘it’s so bad, it’s good’ moments ka. Ito yung tipong sa sobrang riot ng eksena ay matatawa ka dahil successfully ay napatawa ka ng mga sabaw scenes. Perfect example d’yan ang eksena sa ‘Beauty and the Bestie’ noon kung saan sa isang car chase scene ay kumanta ng ‘Hold On’ sina Coco Martin at Vice Ganda habang nasa buwis-buhay na eksena. Hindi makatotohanan pero nakakatawa!
Dito, waley. As in nganga. Kahit sa sinehan na more than half ang nakaupo ay walang natatawa sa dapat ay comedic scenes. Anyare?!
Siguro, oras na para mas maging advanced ang pag-iisip ng creative team ni Vice dahil waley na waley talaga. Mas may funny moments pa ang ‘Super Parental Guardians’ na hindi rin namin masyado nagustuhan. Ang ‘Fantastica’ naman last year ay okay lang dahil maliban sa powers ni Vice, nadala rin nina Dingdong Dantes, Richard Gutierrez, Jaclyn Jose, Bela Padilla at Ryan Bang ang pelikula. Dito sa ‘The Mall, The Merrier’, parang na-imbibe din ng pelikula ang vibe ng Harrison Plaza na gigibain na in the coming days.
Mas natawa pa kami sa 3Pol Trobol: Huli Ka Balbon! nina Coco Martin, Jennylyn Mercado at Ai-Ai delas Alas. Papanoorin pa lang namin ang pelikula nina Bossing Vic at Maine Mendoza pero ayon sa mga kaibigan namin na nakanood ay tila matino naman ang mala-Money Heist film na ito.
Baka this year ay oras na para si Aga Muhlach naman ang mamayani sa box-office with ‘Miracle in Cell No.7’ na kahit na hindi nanalo bilang Best Actor ay para sa puso ng manonood ay siya ang panalo. Hindi na kami magtataka kung ito’y mangyari at baka oras na nga para sa pagbabago.