ANG LIHAM NA ito ay ipinadala sa akin ng Worldwide-Filipino Alliance upang isalaysay ang kalunus-lunos na kalagayan ng 11 kababayan natin na nagtrabaho sa Mississippi at naging biktima ng human trafficking. Kung nangyari ito sa kanila, lalo nang mangyayari ito sa iba pa nating mga kababayan sa mas masasahol na lugar! Tingnan n’yo lang ang mga sumusunod:
1) Sila ay na-recruit ng ADMAN Human Resource Placement and Promotions na ayon sa POEA ay walang record at “in good standing”. Mukhang okey, ‘di ba?
2) Ang kanila raw employer ay A-ramark, isang kilalang kumpanya sa US. Ayos na naman, ‘di ba?
3) ‘Eto pa: ang kanilang work visa ay aprubado ng US Embassy at US Department of Labor. No problem na?
4) Nagbayad sila ng placement fee na $7,000 at pinangakuan ng suweldong $7.25 an hour. Ayos, ah!
Pero ‘eto ang talagang nangyari: Pag-lan-ding nila sa iba’t ibang lugar sa US tulad ng Los Angles at Washington D.C., ni wala man lang sumalubong sa kanila.
Nang tumawag sila sa isang numero, binigyan sila ng instruction na pumunta sa Biloxi, Mississippi kahit na iyon ay wala sa usapan nila sa kontrata. Pero sinunod pa rin nila ang instruction at sumakay sila ng tren at bus at nagbiyahe ng dalawa’t kalahating araw. Dahil wala silang pera, nagparte-parte na lang sila sa baong Skyflakes at isang bote ng tubig!
Pagdating nila sa Mississippi, sinabihan sila ng ADMAN na magtatrabaho sila sa ilalim ng Royal Hospitality Services, Inc. At sa halip na tumanggap ng $7.25 sila ay sasahod lamang ng $4.75 isang oras. At ang quota nila ay maglinis ng 14 na hotel rooms bawat araw bawat isa, gayong ang kaya lang nila ay makapaglinis ng 10 kuwarto.
Isa sa mga biktima, si Rufino de Guzman, ang nakagawa ng paraan para makatakas papuntang Los Angeles at makapagsumbong sa OWWA officer na si Alberto Adonis Duero. ‘Di natagalan, si de Guzman ay sinamahan ng iba pang biktima na sina Norman Paul Yaranon ng Pangasinan, Ronilo Cruz ng Nueva Ecija, Ricardo Jabagat ng Negros Oriental, Vuenas Ian dela Puerta ng Iloilo, Mario Abaday ng Batangas, Manuel Jusayan ng Samar, Imelda Nosa ng Ca-vite, Arlene Dorotan ng Ilocos Norte at Eutropia Velasco Kahlid Anthony Velasco ng Quezon. Sila’y pawang nakatakas mula sa kanilang apartment nang lumuwag ang nagbabantay sa kanila.
Mula naman nang tulungan sila ni Duero, siya’y nakatanggap naman ng sunud-sunod na death threat. Nang tawagan ni Duero ang labor attache natin sa Washington D.C., nagkibit-balikat lamang si Labor Attache Luzviminda Padilla at nagsabing “may mas importanteng dapat pagkagastusan ang pera ng gobyerno”.
Sino ngayon ang dapat managot sa kanilang mapait na dinanas sa US?
Ayon sa FBI at sa US Homeland Security, tatagal pa ng isang taon ang imbestigasyon at saka pa lang maisasampa ang kaso ng human trafficking.
Ang lagay ganun-ganon na lang ‘yun?
LIBRENG PAYO! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO! PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users) E-mail: [email protected]
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo