PITONG MATATABANG uod ang gumagapang sa mga dahon ng California rose sa isang paso. ‘Di ko muna sila pinatay. Sa halip pinagmasdan ko ang kanilang mabilis na paggapang hanggang umabot sa nektar ng bulaklak.
Pagbaba ko ng tingin, may nakita akong mga dalawa pang uod sa lupa ng paso. Nangingina-nginain sila ng kung anu-ano.
Agad-agad maraming bagay sa buhay ang sumilid sa isip ko.
Lahat ng creations ng Diyos ay may kanya-kanyang dahilan – at paggagamitan. Wala ni isa mang bagay na aksaya. Kahit ang venom o lason ng ahas ay nagagamit na gamot sa natuklaw ng ahas. Ang uod ay kinakain ang masamang insektong pumapatay sa halaman.
‘Di na tayo dapat lumayo pa. Ang mabigat na pagsubok na kalimita’y pinadala ng Diyos – ‘di lamang para tayo subukan — kundi ipamulat sa atin ang nagawang nakalipas na pagkakamali. Humingi ng kapatawaran at lumipat sa tuwid na landas.
At totoo ang karma. Sa totoo lang, karma lang ang batas ng buhay. Ang mabuting gawain ay aani ng mabuti; ang masama ay aani ng masama. Abusuhin ang kalusugan at tayo’y magkakasakit. Alagaan at pagyamanin ito at tayo’y magiging malusog.
Sa mahaba-haba ko na ring paglalakbay sa mundo, nakasalamuha ko ang iba’t ibang uri ng tao at masalimuot na pagsubok at karanasan. Ang puno’t dulo: lahat tayo halos ay walang kasiyahan. Marami ang makasarili. Mapag-imbot. Salapi, kapangyarihan at karangalan ang mga tanging sukatan ng kahulugan ng buhay. Kaya ganito nakahandusay ang ating mundo.
Ngunit bakit uod ang titulo ng pitak? Sapagkat – sa suma total – tayo’y patungo sa mga uod. Lahat nating pinaghirapan at pinagpupunyagian ay mababaon sa kanilang maliliit na ngipin. Hanggang tayo’y maging alikabok. Masahol pa sa pira-piraso ‘pag hinipan ng hangin.
SAMUT-SAMOT
NAPANOOD KO na. ‘To ang reaksyon ko sa nakaraang SONA ni Pangulong Noynoy. Nalasing – at nahimbing ako – sa glowing facts at statistics. Ang bottomline ay bukas milyun-milyon pa ring dukha ang ‘di kakain ng tatlong beses maghapon; daan-daang mag-aaral ang wala pa ring eskuwelahan at sapat na guro; patayan dito, patayan doon sa mga kalye at kahit sa loob ng bahay. Atbp. But wait a minute. Wow! Ang gaganda ng atadyong, ang lalaki ng nagkikislapang alahas ng mga congresswoman sa SONA reception. At mga nakaparadang Mercedez, BMW, Lexus, Porsche – gamit ng mga senador at congressmen – ay nakaiinggit panoorin. Next July 23, same, same. Pesteng yawa!
SA MGA busy throughfare sa Metro-Manila, dapat magtalaga ng mga social worker at barangay tanod upang manmanan at hulihin ang mga naglipanang rugby boys (nasa ilalim ng mga overpass) at iba pang marurungis na batang nanlilimos. Ang ibang bata ay sumasampa sa jeep upang mamahagi ng sobre at nagsi-shine ng sapatos ng mga pasahero gamit ang basahan. Ang iba namang nanlilimahid na kabataan ay nag-aabang ng mga jeep na nakahinto upang makahablot ng mga kuwintas o hikaw sa mga pasahero. Nasaan na ang mga magulang nila? Dapat sila ay nag-aaral at hindi palabuy-laboy. Ano ang programa ng ating pamahalaan para malutas ang problemang ito?
DAPAT IBALIK sa DepEd at Commission on Higher Education ang tungkuling isuspinde ang klase kung masama ang panahon, ‘di sa mga barangay. Mas magulo kung sa barangay dahil maraming kausap, samantalang kung sa dalawang ahensiya lamang ay may umiiral na sistema na at dalawang tao lang ang kausap. Mas madali pang iparating sa mga mag-aaral ang announcement sa class suspension kung dalawang ahensiya ang gagawa sa kanilang sinasakupan.
NAPANSIN KO na ‘pag rush hours, malimit kong maispatan na may traffic aides sa mga malalaking intersection. Tulad na lang nu’ng isang araw sa kanto ng Pres. Quirino Ave. at Pedro Gil. Sa Paco, Maynila. Wala man lang traffic officer tulad ng MMDA ang nakatalaga para ‘pag napupuno na ng mga sasakyan ‘yung kanto ay i-cut muna ang pagdaloy pa ng mga ito para makaraan naman ang mga sasakyan na magko-cross sa opposite na kalye. Kaya tuloy ‘pag nahaharangan ang intersection, humahaba ang traffic sa opposite na daan.
Paging Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) at MMDA.
PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez