BINANSAGAN ANG University of the Philippines College Admission Test o UPCAT bilang pinakamahirap na entrance exam sa buong Pilipinas. Kada taon, halos 70 libong mga kabataan ang nangangarap upang maging Iskolar ng Bayan kaya tuwing UPCAT season, inaasahan ang matinding pagbigat ng trapiko. Tuwing UPCAT season din, dinadagsa talaga ang campus hindi lang ng mga kukuha ng exam kundi pati ang kanilang mga magulang at pamilya na walang sawang sumusuporta at matiyagang naghihintay sa kanilang pambato.
Nitong nakaraang Sabado lamang, ika-16 ng Agosto, libu-libo na namang mga bagets ang sumabak sa giyera… este, kumuha ng UPCAT. Ang nasabing entrance exam ay tumatagal hanggang limang oras. Binubuo ito ng Language Proficiency Test, Reading Comprehension Test, Science Test at Mathematics Test. Ang mga katanungan ay maaaring nasa wikang Ingles, puwede rin naman sa wikang Filipino. Kahit ano pang wika ‘yan basta dapat naiintindahan ng mga bagets.
Right minus wrong ang nasabing entrance exam kaya hindi uso rito ang manghula. Kaya kung hindi mo alam ang kasagutan, iskipan mo na lang ‘to at iwanang blanko kaysa makipagsapalaran sa walang kasiguraduhan mong panghuhula. Noong 2012 din, naging usap-usapan ang mga wirdong essay questions na naidagdag sa UPCAT. Ito ang mga sumusunod: “Narrate the conversation when you encounter an alien;” “Tell a lie about yourself and prove it;” “If your crush says that he/she loves you, will you tell him/her that you love him too?” “What is your favorite study tool?”
Walang tama o maling kasagutan sa mga tanong na ito. Ang tinitignan dito ng examiners ay kung gaano kalawak ang imahinasyon ng mga bata, kasama rin siyempre ang grammar at command of language.
Kaya naman noong 2012 din nauso ang paggawa ng “rejected UP questions” gaya ng: “Why are the birds angry? Prove your answer;” “Hanggang saan aabot ang bente pesos mo?;” “Ano ang mas malaki, backpack ni Dora o bulsa ni Doraemon? Prove your point;” “What is Victoria’s Secret? Enumerate;” “Kung si Venus Raj ay magdo-double degree, ano kaya ang kanyang kukunin na major-major? Explain! Explan!” at marami pang iba.
Ganyan talaga siguro ang nagagawa ng mga bagets matapos mayanig ang utak dahil sa UPCAT essay questions, ginagawa na lang nila itong katawa-tawa upang may mapagkunan ng saya. Pinoy ‘yan, eh! Matapos ang paghihirap, marunong pa ring ngumiti at tumawa.
Kapag UPCAT season din, nagiging worldwide trending ang mga tips sa pagkuha ng UPCAT. Ang mga nasabing tips ay galing sa parehong mga nakapasa at hindi nakapasa ng UPCAT. Kaya kanya-kanyang hugot ang mga bagets na nagbibigay ng tips sa mga bagong batch na kukuha ng UPCAT.
Wala namang masama sa pagsunod sa mga nasabing UPCAT tips, pero wala ring magagawa ang pagsunod mo rito kung ikaw mismo ay walang paghahandang ginawa. Hindi lahat puwede iasa sa “goodluck!” Dahil ang suwerte ay bonus na lang, ikaw pa rin ang kikilos dapat. Kaya sa bagong batch ng UPCAT takers noong Sabado, sana magbunga ang inyong ginawa na paghahanda. Pumasa man kayo o hindi, huwag mag-alala dahil ang mahalaga, positibo pa rin kayo sa takbo ng buhay. Sa susunod na taon pa ilalabas ang resulta ng exam kaya marami kayong pagkakataon na patunayan ang sarili n’yo sa lahat.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo