NATAPOS NA tayo sa mga kakaibang land activities, napag-usapan na rin natin ang mga buwis-buhay na air activities, mukhang may kulang? Siyempre hindi dapat mawawala sa checklist n’yo ng extreme activities, na dapat n’yong subukan bago pa sumakit ang mga kasu-kasuan at magkarayuma, ang mga nakapananabik na water activities.
Siyempre hindi lang matatapos sa swimming, island hopping, at sun bathing ang mga water activities na dapat n’yong magawa sa bansa. Ang Pilipinas ay kilala pa naman bilang bansa na may mga nagagandahang beaches. Pagdating sa usapang ganito, aba top tourist destination kaya tayo sa buong mundo. Kaya napakaimposible na malilimitihan lang kayo sa mga iilang water activities.
Narito ang mga nakapananabik na water activities na dapat ninyong subukan ngayong darating na summer.
- Cliff diving
Isa ang Pilipinas sa mga dinarayo na bansa kapag cliff diving ang usapan. Napakasaya nito dahil para bang kaysarap isigaw ng feels mo sa mundo sabay talon sa mataas na cliff at dagat ang babagsakan mo. Bakit hindi n’yo gawin ang first time n’yo sa Ariel’s Point sa may Buruanga, Aklan. Nagsisimula sa tatlo hanggang 15 metro ang taas nito. May 30-45 minutes lamang din ang layo nito mula sa Boracay. O, ‘di ba, pagkatapos n’yong maglanguy-langoy sa beach at magparampa-rampa sa white sand ng Boracay Island, sadyain n’yo na rin ang Ariel’s Point kasama ang barkada at doon mag-cliff diving. Huwag kalilimutan na magpa-picture sa kanila habang kayo ay tumatalon dahil ito ay isang uri ng extreme activity na dapat ipagmayabang sa lahat dahil para bang once in a lifetime achievement ito lalo na sa mga taong hindi ganoon katapang at kalakas ang loob.
- Surfing
Hindi na iba sa pandinig natin ang surfing. May mga iilan na ang gumawa nito pero dapat pa rin itong masubukan ng karamihan lalo na ang mga bagets. Para sa akin, isa ito sa pinaka-relax gawin sa mga extreme water activities dahil kahit mahirap sa simula, wala namang dapat ikabahala dahil may professional surfer naman na tutulong sa iyo. Napakasarap din sa pakiramdam na kahit mahirap sa simula, unti-unti ka na ring natututong magbalanse sa surf board at matapos nito, tuluyan ka nang makatatayo habang sumasabay sa agos ng alon ang surf board na iyong sinasakyan. Kung nakumbinse na kayong mag-surfing, magandang magtungo sa North para gawin ito. Dayuhin ang Baler sa Aurora, San Juan sa La Union, at Pagudpod sa Ilocos Norte.
- Scuba Diving
Kilala rin ang Pilipinas sa mayayamang lamang-dagat sa buong mundo. Kaya dapat hindi lang kayo palanguy-langoy sa ibabaw ng dagat kundi dapat sisirin n’yo ang kalalim-laliman ng dagat upang makita ang mga iba’t ibang klase ng hayop at mga halamang tubig. Sa scuba diving, mararanasan mo ang lahat ng ito. Kaya ano pa ang hinihintay ninyo? Magandang scuba diving destinations ang Yapak 2 sa Boracay, Sabang Bay sa Puerto Galera at Taiei Maru Wreck sa Coron.
Gaya ng nabanggit ko sa nauna kong artikulo, gawing prayoridad ang kaligtasan. Kaya mabutihin na humingi ng pahintulot mula sa inyong mga magulang at doktor. Siguraduhin na may makakasama rin kayong professional at tour guide sa tuwing gagawin ang mga nasabing water activities.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo