NOONG NAKARAANG Linggo, July 13, nilagdaan ng ating gobyerno ang wealth-sharing annex of Mindanao peace pact o kasunduang hatian ng magiging yaman ng Mindanao sa panig ng MILF at GPH o gobyernong Pilipinas. Ito ay ginawa sa bansang Kuala Lumpur at nilahukan nina GPH peace panel Chair Miriam Coronel-Ferrer at Malaysian Facilitator Tengko Dato Ab Ghafar Iqbal.
Ang bagong hakbang na ito ay magbibigay ng mas malawak na kalayaan at kapangyarihan sa Bangsamoro bilang isang political entity. Ito’y nangangahulugang ang Bangsamora ay may mas malaking kontrol sa mga kita, buwis at likas-yaman nito.
Ayon kay Government peace panel Chair Miriam Coronel-Ferrer, ang kasunduang ito ay ibang-iba ang porma at pagkakabuo ng mga probisyon kumpara sa kung paano pinagkakalooban ang Autonomous Region in Muslim Mindanao o ARMM ng pondo nitong mga nakaraang taon. Ang ilan sa mga bagong kapangyarihang ito ay ang kakayahang paggawa ng mga bagong uri ng pagbubuwis at paniningil batay sa mga itinakdang prinsipyong katulad ng kapangyarihang magpatupad, administratibong prerogatibo, epektibong ekonomiya, kalayaang magpasya at iba pa.
SA GANITONG paraan, mas magkakaroon na ng pag-asa ang mga kapatid nating nasa Mindanao upang makahabol sa antas ng pamumuhay ng mga taong nasa gintang Luzon batay sa paniniwala at pagtingin ng ating kasalukuyang gobyerno. Mula sa mga itatayong bagong kalsada, paaralan at ospital hanggang sa paglalagay ng mga makabagong teknolohiya at programang pangkabuhayan ng gobyerno sa Mindanao, nakatutok ang pag-asa ng mga Pilipino na makamit ang matagal nang minimithing kapayapaan sa Mindanao. Ngunit bukod sa kapayapaan at kaunlarang pangarap ng ating gobyerno para sa Mindanao, may iba pa kaya itong mithiin?
Kung susurin nating mabuti ang mga hakbang na nagawa na ng ating gobyerno simula noong unang magkaroon ng lagdaang Bangsamoro, makikita nating mas nagkakaroon na ngayon ng identity ang Bangsamoro bilang isang ganap na estado. At kung ito nga ay magiging ganap na estado, ano ang mas malaking epekto nito sa ating sistemang politikal? Angkop ba ang pagkakaroon ng isang estado sa sistemang politikal ng ating bansa alisunod sa itinatakda ng konstitusyon? At kung hindi angkop, paano ito bibigyang solusyon alang-alang sa mga benipisyong dulot nito?
SA KABILA ng pagsuporta ng pinuno ng kamara na si Congressman Belmonte sa isinusulong nitong pagbuhay sa usaping cha-cha o pagbabago sa ating Saligang Batas, malinaw ang posisyong politikal ng gobyernong Aquino sa usaping ito. Ito ay ang hindi pagsang-ayon sa cha-cha. Sa pagpili sa posisyong ito mas nagiging kampante ang mga Pilipino na hindi magpapatagal at mag-aabuso sa posisyon ang mga kasalukuyang nakaupo sa gobyerno.
KUNG MAGKAKAROON ng katuparan ang mga kasunduang nilagdaan ng ating gobyerno sa usaping Bangsamoro, hindi ito aangkop sa sistemang politikal na umiiral – ang unitary-presidential form. Ang isang posibleng paraang politikal upang bigyang daan ang Bangsamoro bilang isang ganap na estado ay ang pagpapalit ng sistemang presidential sa sistemang federal.
Sa sistemang federal, magkakaroon ng sentral at lokal na gobyernong magpapatupad sa mga administratibong tungkulin ng pamahalaan. Sa paraang ito magiging angkop ang Bangsamoro sa umiiral na sistemang politikal. Ngunit mangyayari lamang ito kung magkakaroon ng pagbabago sa ating Saligang Batas o cha-cha.
Maaaring sa bandang huli ay lalabas na ang pagbuhay sa usaping cha-cha o pagbabago sa ating Saligang Batas ay isang hindi maiiwasang solusyon para maging ganap na estado ang Bangsamoro.
Shooting Range
Raffy Tulfo