Usok at Salamin

SA KASAGSAGAN ng natapos na impeachment trial laban kay dating CJ Renato Corona, usok ating nalanghap, salamin ating namasid. Mata-linhaga. O palaisipan.

Bakit usok? Parang usok lahat na bigay sa mundo – kapangyarihan, kayamanan, kagandahan, kalusugan o kara-

ngalan. Sandaling dumadampi. Nagsisilid ng tuwa at galak sa katawan at puso. Subalit sa ‘di inaasahang malakas na hihip ng hangin, dagliang mawawala, papalaot sa ‘di alam.

Bakit salamin? Pangyayari sa buhay napapalooban ng iba’t ibang salamin. Salamin ng katotohanan. Kabaliwan. Pagkukunwari. Salamin ng konsensya ang pinakamahalagang salamin.

Sa kahapdian ng kanyang katayuan ngayon, dapat magmuni-muni si Corona sa mga ito. Akala niya’y ang kapangyarihan at kayamanan ay ‘di panandalian. ‘Di niya nasalamin dito ang ibayo pang kayamanan: kayamanan ng magandang konsensya laban sa lusak ng pag-iimbot at pagkasakim.

Sa isang maliit at madilim na sulok ng buhay ngayon naghihinagpis si Corona. Wala na ang mga bibig na pumupuri. Mga kamay na pumapalakpak.

Nalulungkot ako sa kanya. Panginoon lang ang tunay na makapaghuhusga. Tanging makatutulong sa kanya. Walang hanggan ang awa at pagmamahal Niya. ‘Di kasing iglap ng usok. O mga iba’t ibang mukha at pangyayari sa salamin ng buhay.

Sa mga nanggagalaiti pa: “He who has no sin should cast the first stone!”

SAMUT-SAMOT

 

SALBAHE ANG aking son-in-law. Pabiro niyang sabi, isang senador daw ay dalawang version ng speech ang inihanda nu’ng verdict kay Corona. Isang acquittal at isang conviction. Naninigurado. At ‘di siya sumablay. Pitik-bulag: sino ang senador? Clues: guwapo, topnotcher ng isang senatorial eleksyon at maraming TV commercial. He, he, he.

ABA EH, nagpasikat si Senator Lito Lapid. Binabawi ko na ang mga salbahe kong kantiyaw at paminsan-minsan sumbat sa kanya. Lumabas na mas matalino at sensitive pa siya kaysa utak ng tatlong itlog na senador na bumato sa acquittal ni Corona. Isang pizza pie na inahalintulad ni Rep. Rudy Farinas ang nakatagong yaman ni Corona kanyang pinagbasehan. At swak na swak sa kanyang argumento! Hoorah, Leon Guerrero. Tigidig-tigidig. Ho!

‘DI NA rin ako laging naha-high blood ngayon. Kasi nu’ng kasagsagan ng impeachment trial, ewan kung bakit inis na inis ako sa mga lawyers ng defense panel. Lalaki ako at ‘di man maaaring maglihi. Ang yayabang at sobrang arogante kasi! ‘Yon pala, mga super palpak. Pro-bono raw serbisyo nila kay Corona. Tell it to the Marines.

NAGKAMALI BA ang Channel 5 sa pagkontrata kay Sharon? Tila wala nang hila ang kanyang 4:00 p.m. na programa.  Walandyu, P1 billion contract. Totoo ba ito? Sabi nga ni Erap: weather-weather lang ‘yan. Aminin na ‘pag laos, laos na.  Over the hump. ‘Wag nang ipagpilitan ang sarili. Pana-panahon lang ‘yan. Lahat lumilipas.

KAYA PABORITO kong OPM ang kay Florante, “Handog”. Kayo rin, ‘di ba? “Tatanda at lilipas din ako”, makatotoong wika niya. Isipin natin nang malalim para ‘di tayo kapit-tuko sa magagandang bagay ng mundo. Maputing balat, kumukulubot. Sexy na katawan, lumolobo. Mata, nanlalabo. Paa, humihina. Galing sa lupa, babalik sa lupa. Kaya ‘di tayo dapat maging palalo o sakim. Lahat ay lilipas.

PARANG PLANTSANG mainit na ang mga puwet ng pulitiko. Yaon dito, yaon doon. Palapit nang palapit ang halalan. Kanya-kanya na namang papelan. Pangakong napapako. Bolahan. At ang mga mangmang na botante ay nagagantso na naman. Ngunit ganyan talaga ang demokrasya. Mas gusto ko ito kaysa diktadurya. ‘Yon lang, dapat tayong mapasensiya. At marunong magtimbang ng mga isyu at bagay-bagay. Huwag padadala sa nectar na dila ng tradpol.

KABI-KABILA ANG insidente ng krimen sa Kamaynilaan. Hoy, PNP at DILG magtrabaho naman kayo. Sa tapat ng bahay ni Ombudsman Conchita Morales sa Muntinlupa, may nakitang granada kamakailan. Maaaring pananakot dahil sa pagtestigo niya sa Corona impeachment trial. Sa Makati, isang bus ang pinasabog sa kalagitnaan ng heavy traffic sa Ayala. Sa Pasig City, dalawang high school students ang inagawan ng cellphones at sinaksak. Daig pa natin ang nasa Beirut o Israel. Kaliwa’t kanan ang pagdanak ng dugo. Parang walang law and order. PNP, pakuya-kuyakoy na lang. Sayang ang salapi ng taxpayers.

DALAWANG LINGGO akong kakaba-kaba: Nahihirapan akong huminga. At may ‘di umaalis na chest pains. Sugod ako sa aking cardiologist. ‘Di lubusang ma-diagnose sa ECG kaya sumailalim ako sa 2-D echo test. At ang resulta: dahil sa taon-taong pang-aabuso, pagkain ng matataba, maaalat at kawalan ng regular exercise, unti-unti nang may bumabara sa mitral at aortic valves ng aking puso. Subalit sabi ni Doc, no cause for alarm. Overall, normal pa ang blood flow. Kailangan lang mag-lose weight, exercise at strict diet ng gulay at isda. Iwasan ang high-cholesterol at triglycerides na bumabara sa arteries ng puso. Nakahinga ako nang maluwag. Very religious ang pag-inom ko ng prescribed medicines. Thank you, Lord!

TAMA NA ‘di na-withdraw ng pamahalaan ang rekomendasyon kay Sen. Miriam Defensor Santiago sa International Court of Justice. May mga sector kasing nagreklamo sa inasal na pagmumura ng senadora sa impeachment trial. Nakakahiya raw sa bansa kung ito ang magiging masamang asal ng mambabatas sa ICJ. Ayon ako. Dapat matuloy sa ICJ si Defensor.  Good riddance?

SEN. BONGBONG Marcos refused to redeem his name by acquitting Corona. He lost the golden opportunity to be in the right side of history. But come to think of it, bakit ba nahalal si Marcos in the first place?

PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez

Previous articleSindikato sa BOC, Binuwag Ni Biazon
Next articleIligal na Pagtataas ng Renta

No posts to display